Monday, February 26, 2018

DILG SA BARANGAYS: IREPORT ANG PAGGAMIT NINYO NG PONDO NG SK BAGO MAG-MARSO 15

Bilang paghahanda sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Mayo 14, 2018, pinaaalalahanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng barangay na isumite ang kanilang annual report hinggil sa naging paggamit nila sa pondo ng SK bago mag-Marso 15, 2018.

Sinabi ni DILG Officer-in-Charge Eduardo M. Ano na dapat masiguro na ang pondong nakalaan sa SK ay nagamit nang makatwiran para sa kapakanan at benepisyo ng mga kabataan.

“Bilang mga lingkod bayan, nararapat lamang na ipaalam ng barangay sa mga mamamayan kung paano nila ginastos ang pondong nakalaan para sa mga kabataan,” pahayag ni Ano.

Sa ilalim ng Guidelines on the Allocation and Utilization of SK Funds na ipinalabas ng Commission on Elections (COMELEC) noong nakaraang taon, “ang 10% ng general fund ng barangay ay dapat ilaan sa SK para magamit sa mga youth development at empowerment programs at projects hanggang sa magkaroon ng bagong halal na SK officials.”

Isinasaad din sa panuntunan na dapat ilaan ang nasabing pondo sa Mandatory Training at SK Pederasyon elections at youth development at empowerment programs na layuning isulong at siguruhin ang equitable access sa quality education, youth employment at livelihood, anti-drug abuse, gender sensitivity, sports development, capacity building, at iba pa.

Ayon kay DILG Spokesperson Assistant Secretary Jonathan Malaya, handang magsagawa ang Local Government Academy ng DILG ng Mandatory Training sa mga Newly Elected SK Officials subalit ang gastos sa pagsasanay ay dapat ibawas sa Barangay General Fund na nakalaan sa youth projects.

“Nais naming ipaalala sa lahat ng Barangay na kailangan nilang itabi ang pondo na nakalaan para sa Mandatory Training ng lahat ng opisyal ng SK na mahahalal sa Mayo. Kaya hindi nila dapat ubusin ang 10 porsyentong pondo ng SK dahil walang magagamit ang kanilang SK officials na panustos sa nasabing pagsasanay,” ani Malaya.

Inihayag din ni Malaya na dapat isumite ng mga barangay ang kanilang ulat sa paggastos ng pondo ng SK sa National Barangay Operations Office (NBOO) ng DILG, pati na rin sa National Youth Commission sa pamamagitan ng mga sumusunod na email address: nboo.dilgco@gmail.com at sa sanggunnian.nyc@gmail.com.

Task Force on Youth Development

Bilang bahagi ng adbokasiya ng Departamento para sa transparent at accountable youth governance, sinabi ni Ano na ang Task Force on Youth Development (TFYD) na binuo sa bawat barangay ang siyang maghahanda ng report kung paano ginamit ang SK funds at gagawa ng Annual Barangay Youth Investment Program hanggang magkaroon ng kuwalipikado at bagong halal na SK officials.

Tinukoy din ng opisyal ang tungkulin ng TFYD na siguruhin at imonitor ang implementasyon ng youth development at empowerment programs, projects at activities.

Ang nasabing task force din ang magsasagawa ng imbentaryo ng lahat ng properties, finances, at documents ng SK bilang pagsisiguro sa maayos na transition sa mga susunod na opisyal ng SK.

Ang TYFD ay binubuo ng Sangguniang Barangay (SB) member na nagsisilbing Chairperson ng Committee on Women and Family bilang pinuno, at apat na iba pang miyembro na pipiliin mula sa talaan ng nominado ng youth organizations sa mga barangays. #   Source – www.dilg.gov.ph

No comments:

Post a Comment