Ilang araw bago magbukas ang klase, hinihikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga pinuno ng pamahalaang lokal na tulungan ang Department of Education (DepEd) sa pagtitiyak na ang pagsisimula ng klase ay magiging maayos kaugnay ng programang Oplan Balik Eskwela (OBE).
"Inaasahang makikipagtulungan ang mga pinuno ng pamahalaang lokal sa DepEd upang tiyakin na ang pagbubukas ng klase ay magiging maayos nang maging mas inspirado ang mga mag-aaral at guro sa kanilang paglalakbay tungo sa bagong kaalaman," ani DILG Secretary Eduardo M. Año.
Upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral papunta at paalis ng paaralan, hinihikayat din ni Año ang mga lokal na pulis at mga force multiplier sa mga barangay na magbantay malapit sa mga gate ng paaralan at sa mga daan patungo dito.
"Dapat maging alerto ang kapulisan at mga barangay tanod para bantayan at protektahan ang mga istudyante laban sa mga kriminal at mga mapagsamantala,” aniya.
Ang OBE, na isasagawa mula Mayo 27 hanggang Hunyo 7, 2019, ay ang taunang programa ng DepEd upang himukin ang mga ahensiya, organisasyon at iba pang stakeholders na makiisa sa paghahanda para sa paparating na pagbubukas ng klase. Hangad nito na pagtuunan ng pansin ang mga suliranin, katanungan, at iba pang hinaing na kalimitang nararanasan ng publiko sa pagsisimula ng klase at tiyaking ang mga mag-aaral ay maayos na naipalista at makapapasok sa unang araw ng klase sa Hunyo 3, 2019.
Sa pamamagitan ng ng DILG Memorandum Circular 2019 - 78, hinihikayat din ng DILG Secretary ang mga pinuno ng mga pamahalaang lokal na pulungin ang kanilang Peace and Order Councils (POC), Local Council for the Protection of Children (LCPC), at Local Disaster Risk Reduction Management Council (LDRRMC) bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase.
"Bukod sa kaalaman na kanilang makukuha, pinakamahalaga pa din ang kaligtasan ng mga mag-aaral kaya naman ang pakikipagtulungan ng POC, LCPC, at LDRRMC sa pangunguna ng mga LCE ay lubhang napakahalaga," paliwanag ni Año.
Hinihimok din ang mga pinuno ng pamahalaang lokal na tumulong sa pagbibigay ng impormasyon at quick response, imobilisa ang barangay upang linisin o markahan ang mga daan patungo sa mga paaralan, at tulungan ang DepEd sa paghahanda ng mga pasilidad sa paaralan.
Samantala, tiniyak naman ng Philippine National Police (PNP) na may presensya ng mga pulis at security patrols sa mga paaralan at sakayan; pagpapakalat ng mga road safety marshal; at information drive sa pamamagitan ng quad media at pamimigay ng safety tips at anti-criminality leaflets.
"Handa ang PNP na tumulong sa OBE. Maglalagay kami ng Police Assistance Desks sa mga paaralan at mga campus sa pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng mga paaralan, Parents-Teachers Association, at security force managers, mga pamahalaang lokal at barangay force multiplier, bukod pa sa iba," ani PNP Spokesperson Police Colonel Bernard Banac.
Ioorganisa din ng PNP ang mga Non-Government Organizations at Civilian Volunteer Organizations para sa karagdagang seguridad, pagtulong sa pag-traffic, at iba pang serbisyo para sa kaligtasan ng publiko sa pakikipag-ugnayan sa DepEd at mga pamahalaang lokal.
Prayoridad din ng PNP ang pakikipag-ugnayan sa mga pinuno ng paaralan at iba pang ahensya para sa pagkakabit ng CCTV sa mga strategic na lugar. # Source – www.dilg.gov.ph
No comments:
Post a Comment