Thursday, January 31, 2019

DILG SUPORTADO ANG BATAS NA GAWING REGULAR NA KAWANI NG PAMAHALAAN ANG MGA LIDER NG BARANGAY

Buo ang suporta ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año sa panukalang batas ni Senator Aquilino "Koko" Pimentel III na naglalayong gawing regular na kawani ng pamahalaan na may suweldo at benepisyo ang mga lider ng barangay.

Ipinahayag ni Año na ang panukalang Magna Carta for Barangays sa pangunguna ni Pimentel ay naglalayong gawing regular na kawani ng pamahalaan ang mga opisyal ng barangay bunga ng kanilang mahalagang gampanin sa pagpapabuti ng kabuhayan ng kanilang mga nasasakupan at mabuting pamamahala.

"Bilang pinakamaliit na yunit ng pamahalaan, ang barangay ang pundasyon ng pamamahala at pagpapabuti ng bansa, sila ang inaasahan ng mga mamamayan na tutulong sa iba't ibang serbisyo. Panahon na para bigyan sila ng katulad na benepisyo ng mga kawani ng pamahalaan," aniya.

Ayon kay Año, ang mga lider ng barangay ang mga frontliner ng pamahalaan at siyang gumagawa ng lahat ng gampanin sa paglilingkod sa mga mamamayan at ang pagbibigay sa kanila ng katulad na benepisyo ng mga empleyado ng gobyerno ay "patas bilang pagkilala sa mahalaga nilang papel sa pagsasakatuparan ng mga hangarin ng pamahalaan hanggang sa mga komunidad."

"Karamihan sa mga inisyatibo ng pamahalaang nasyunal ay nangangailangan ng tulong ng mga barangay kaya naman nararapat lamang na matanggap nila ang mga benepisyong natatanggap ng isang kawani ng pamahalaan," paliwanag niya.

Sa panukalang Magna Carta for Barangays, ang punong barangay, miyembro ng sangguniang barangay, Sangguniang Kabataan (SK) chairperson, kalihim ng barangay, at ingat-yaman ng barangay sa lahat ng mga barangay sa bansa ay magiging regular na kawani na ng pamahalaan.

Iminumungkahi din ng batas na ang punong barangay ay makakuha ng suweldo na kasing halaga ng nakukuha ng isang miyembro ng sangguniang bayan sa kanyang bayan o lungsod, habang ang mga miyembro ng sangguniang barangay ay makatatanggap naman ng katulad na halaga ng 80 porsyento ng suweldo ng mga miyembro ng sangguniang bayan.

Ang SK Chairperson, kalihim ng barangay, at ingat-yaman ng barangay naman ay iminumungkahing makatatanggap ng katulad na halaga ng 75 porsyento ng suweldo ng mga miyembro ng sangguniang bayan.

Ang nasabing probisyon ay nagsasabi din na bilang mga regular na kawani ng pamahalaan, sila ay "makatatanggap ng suweldo, allowances, insurance, medical at dental coverage, retirement benefits at iba pang benepisyo na natatanggap ng isang regular na kawani ng pamahalaan."

"Kagaya ng ibang manggagawa, pribado man o sa pamahalaan, ang kompensasyon ay isang malaking bagay sa pag-udyok sa mga kawani. Kaya inaasahang mas magiging matino, mahusay, at maaasahan ang mga opisyal ng barangay kung maipasa ang panukalang batas na ito,” aniya.

Ipinahayag din ng Kalihim ng DILG ang kanyang pagsang-ayon sa isinasaad sa Section 11 ng panukalang batas na nagmumungkahi ng mandatory share ng mga barangay sa lahat ng buwis at iba pang singilin.

Gayunpaman, nilinaw ni Año na ang salary grade at rate ng mandatory share ng mga barangay ay kailangan pa ring isangguni sa Department of Finance at mga liga ng lokal na pamahalaan kung ang mungkahing 25 porsyento na share ng isang barangay sa lahat ng malilikom na real preoperty taxes sa loob ng kanilang nasasakupan ay magiging sapat.

"Sa prinsipyo nito, sinusuportahan namin ang Section 11 ng Magna Carta for Barangays sa pagkakaloob ng 25 porsyento ng koleksyon sa real property tax sa mga barangay. Ngunit alam naman natin anumang may kaugnayan sa salapi at kailangang masusi pa ring pag-aralan. Hindi natin alam kung kakayanin nga ba iyong 25 percent in the long run," paliwanag niya.

"Maliban dito, buo ang suporta namin sa panukala si Senator Koko sapagkat mabibigyan nito ang 42,044 barangays sa bansa ng pagkakataon na makapagbigay ng mas mabuting serbisyo sa mga mamamayan, lalo sa mga 4th to 6th class na munisipalidad," aniya.

Ilang bahagi din ng nasabing panukalang batas ang malinis na tubig na maiinom para sa mga barangay; maayos na transportasyon para sa mga barangay; tamang paghahati at paggamit ng kaban ng bayan sa mga barangay, at iba pa. #  Source – www.dilg.gov.ph

No comments:

Post a Comment