Binigyang-diin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Huwebes na ang Memorandum Circular (MC) 2019-121 ay para lamang sa layon na pag-aalis ng mga nakaharang sa kalsada at hindi maaaring gamitin para sa pagpapalawak ng daanan.
Ipinahayag ni DILG Secretary Eduardo M. Año na nakatanggap sila ng ulat mula sa La Union, Northern Samar, at iba pang bahagi ng bansa na 'di umano'y nagagamit ang MC 2019-121 ng mga contractor ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ibang pamalahalaang lokal upang tanggalin ang mga isandaang-taong gulang na puno, i-demolish ang waiting shed na hindi nakahaharang sa mga bangketa at maging paggiba sa mga istrukturang nakatayo sa mga pribadong lote ng walang abiso at kabayaran.
"Aming binibigyang-diin na ang layunin ng MC 2019-121, bilang tugon sa utos ng Pangulo, ay 'ibalik para magamit ng mamamayan ang lahat ng pampublikong kalsada at bangketa na ginamit sa pribadong pamamaraan.' Sa madaling salita, ito ay para sa pagbabalik ng mga kalsada sa mga tao para kanilang magamit at hindi ito ipinagutos kailanman para sa pagpapalawak ng mga kalsada," aniya.
Binigyang-diin niya na hindi maaaring gamitin ang MC 2019-121 upang bigyang-katwiran ang mga proyekto sa pagpapalawak ng mga kalsada na nasa ilalim ng ibang mga tuntunin. "Halimbawa, ang pagkuha ng pamahalaan ng mga pribadong lupa para sa road widening ay nangangailangan ng expropriation proceedings at pagbabayad ng nararapat na kompensasyon matapos ang notice at hearing," aniya.
Hinikayat ng DILG Chief ang mga pamahalaang lokal at DPWH District Engineers na payuhan ang kanilang mga kontraktor sa layon at saklaw ng MC 2019-121 at huwag itong bigyan ng sarili nilang pakahulugan.
Samantala, siyam na araw bago matapos ang 60-araw na deadline sa Setyembre 29 para sa road clearing na ipinagutos ng MC 2019-121, nagtatag din ng mga validation team si Año upang tiyakin na lahat ng mga pamahalaang lokal sa bansa ay "nasa iisang pahina sa pagpapatupad ng DILG MC 2019-121."
Sinabi ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan E. Malaya na ang mga validation team ay siyang susuri sa tamang pagtupad ng mga pamahalaang lokal sa utos ng Pangulo.
"Ito ay isang hakbang ng DILG upang maabot ang lahat ng pamahalaang lokal sa bansa at siguraduhing sila ay sumusunod sa utos ng Pangulo. Palapit na tayo ng palapit sa 60-day deadline at siyempre nais nating makakuha ng 100 porsyentong pagtupad mula sa kanila," ani Malaya.
Ipinaliwanag ni Malaya na ang DILG validation team ay bubuuin ng isang DILG officer na naitalaga sa ibang pamalahalaang lokal; isang kinatawan mula sa lokal na yunit ng Philippine National Police; isang kinatawan mula sa lokal na yunit ng Bureau of Fire Protection station; mga kinatawan mula sa mga accredited na civil society organizations at isang kinatawan mula sa media.
"Sa loob ng 60 calendar days, malaking mga resulta ang kailangang makuha, ma-document at maiulat kasama na rin ang mga hakbang ng mga pamahalaang lokal upang mapanatili ang mga ito," aniya.
Lahat ng DILG Regional Directors (RDs) ay inutusan ding "personal na makipagkita at makipag-usap sa mga pinuno ng mga pamahalaang lokal sa lahat ng bayan at lungsod sa kanilang nasasakupan," para sa maayos na pagpapatupad ng MC 2019-121.
"Tulad ng aming sinabi noon, ayaw naming isipin na itong road clearing operation ay para lamang sa mga pamahalaang lokal sa Metro Manila at ngayong naiparating na namin ang mensaheng ito, nais naming tiyakin na sila ay tutugon sa pamamagitan ng pagbaba at pagbisita upang makita ang pag-unlad na kanilang ginagawa sa kanilang mga nasasakupan," ani Malaya.
Sinabi niya na lahat ng DILG RDs ay inaasahang talakayin sa mga pamahalaang lokal sa kanilang rehiyon ang estado ng pagpapatupad ng DILG MC 2019-121; tukuyin ang mga aksyon na ginawa at dapat gawin ng mga pamahalaang lokal at magbigay ng tulong sa mga pamahalaang lokal partikular sa mga natitirang hakbang na kailangan pang isagawa tulad ng road clearing, pagbawi ng mga kalsada at rehabilitasyon ng mga daan.
Kailangan din nilang i-profile ang iba't ibang obstruction na tinukoy batay sa imbentaryo ng kalsada at iulat ang bilang at uri ng obstruction para sa kaalaman at pagtugon ng mga DILG Undersecretaries at Assistant Secretaries na nakatalagang makipagtulungan sa mga rehiyon.
Itinalaga rin ng DILG Secretary ang lahat ng kanyang Undersecretaries at Assistant Secretaries sa lahat ng lungsod sa Metro Manila kasama ang lahat ng rehiyon sa bansa upang i-monitor ang pagsunod nila sa kautusan ng Pangulo. # Source – www.dilg.gov.ph
No comments:
Post a Comment