Monday, April 15, 2019

2019 NATIONAL SEARCH PARA SA ECO-FRIENDLY SCHOOLS, SINIMULAN NA NG DENR

Kasalukuyan nang tumatanggap ng aplikasyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa paghahanap ng mga piling paaralan para sa “6 th National Search for Sustainable and Eco-friendly Schools” sa buong bansa.

Ang patimpalak na ito ay inorganisa ng Environmental Management Bureau (EMB) ng DENR, katuwang ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Nestle Philippines at Landbank of the Philippines, na may layuning hikayatin ang mga paaralan at ibang academic institutions na maging aktibo sa mga usaping pangkapaligiran sa local level .

Bukod sa pagtutok sa mga solusyon sa problema ng climate change at iba pang environmental issues, layunin din ng kompetisyon na ito na imulat ang kamalayan ng mga mag-aaral, guro at school administrators sa isyung pangkalikasan. 

Hinati sa tatlong kategorya ang kompetisyon, ito ay ang elementary, high school at college category. Bukas din ito sa lahat ng pampubliko at pampribadong paaralan. Magsisilbi namang hurado ang mga kilalang personalidad sa larangan ng environmental education na magmumula sa gobyerno at pribadong sektor para sa regional at national levels. Ang mapipili sa bawat rehiyon ay ipadadala sa EMB Central Office para sa “national judging”.

Ang mananalong paaralan para sa national level ay magkakamit ng halagang PhP50,000-1 st Prize; PhP40,000-2 nd Prize at PhP30,000-3 rd Prize, kasama pa nito ang plake ng pagkilala. Para naman sa regional winners, mabibigyan ng certificate of recognition at halagang PhP15,000 ang mapipiling kalahok sa bawat kategorya.

Bukod sa mapipiling panalo, magbibigay din ng tatlong Special Category Leadership Awards kabilang na dito ang The Nestle Water Leadership Award para sa water management at conservation; The Energy Leadership Award na kikilala sa energy efficiency and conservation para sa aktibidades sa kanilang paaralan at ang Landbank Green Leadership Award na ipagkakaloob sa tatlong National First Prize Winners sa bawat kategorya.

Makatatanggap ng PhP20,000 ang mga mapipiling Nestle Water Leadership Award at Energy Leadership Award para sa national level ng college, high school at elementary school categories habang PhP10,000 at certificate of recognition ang ibibigay sa regional winners sa bawat kategorya. Mabibigyan naman ng PhP25,000 ang Landbank Green Leadership Award para sa national level.

Sa darating na Abril 26, 2019 ang huling araw sa pagsusumite ng “entries”. Para sa public elementary at high school categories, isusumite ng mga lalahok ang tatlong kopya ng kanilang “entry” sa DepEd Division Office. Kailangan namang dalhin sa pinakamalapit na EMB Regional Office ang mga magsusumite ng kanilang “entry” sa private elementary, high school at college categories.

Ang mga isusumiteng “entries” ay kinakailangan ilagay sa isang pahina kung saan nakasaad ang deskripsiyon ng “environmental program” at proyekto ng kanilang paaralan na may kalakip na dalawang larawan na may nakalagay sa “caption” at iba pang impormasyon, kinakailangan ding i-upload ang ilalahok na “entry” sa Eco-friendly School Facebook Page o kaya naman ay ipadala sa pamamagitan ng email sa ecofriendlyschools@gmail.com.

Ipakikita ang lahat ng nanalong kalahok sa bawat kategorya at iba pang napili entries sa national awarding ceremonies sa gaganapin sa Nobyembre 2019 kasabay ng pagdiriwang ng National Environmental Awareness Month.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring tumawag sa National Program Secretariat ng Environmental Education and Information Division ng EMB-DENR na may tanggapan sa 2nd Floor HRD Building, DENR Compound, Visayas Avenue, Diliman, Quezon City. Telefax Numbers: (02) 928-4674 at 376-5610, email address: ecofriendlyschools@gmail.com. #  Source – www.denr.gov.ph

No comments:

Post a Comment