Monday, April 22, 2019

DILG ITINAMPOK ANG MAS PINATINDING SEAL OF GOOD LOCAL GOVERNANCE NGAYONG 2019

Upang makuha ang Seal of Good Local Governance (SGLG), kailangang mas magsikap ang mga pamahalaang lokal sapagkat itinampok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mas pinatinding 'All-in criteria' para sa taong 2019.

Ipinahayag ni DILG Secretary Eduardo M. Año na ang SGLG 2019 ay 'refined version' ng 'All-in' na criteria ng nakaraang taon na binubuo ng mga mas detalyadong sukatan na wala noong 2018.

"Ang 'All-in' criteria ay naging mapanghamon na para sa mga pamahalaang lokal ngunit nais pa din natin silang hikayatin tungo sa mas mahusay na inobasyon kaya naman mas pinatindi natin ang SGLG ngayong taon," ani Año.

"Kumbaga 'All-in redefined', mas humirap pero mas masasala natin ang mga mahuhusay na pamahalaang lokal na talagang nagtatrabaho," dagdag niya.

Sa pamamagitan ng DILG Memorandum Circular No. 2019-44, sinabi ni Año na ang SGLG 2019 ay patungo sa pagtatatag ng mahusay na kultura ng pamamahala sa mga lokal na pamahalaan na gagamit ng 'performance information' para sa aksyon at intervention.

Ipinaliwanag niya na sa SGLG 2019, hihikayatin pa rin ang mga pamahalaang lokal na ipasa ang pitong sangay ng pamamahala: Financial Administration; Disaster Preparedness; Social Protection; Peace and Order; Business Friendliness and Competitiveness; Environmental Protection; at Tourism Culture and the Arts.

"Ang pagkakaiba ngayon sa criteria ay mas specific at detalyado na kaya naman mas magiging dynamic at mapanghamon ito para sa mga pamahalaang lokal," aniya.

Dalawang-daan at animnapu't tatlong mga pamahalaang lokal ang nakapasa sa SGLG noong nakaraang taon mula sa 17 lalawigan, 39 lungsod, at 207 na bayan, mas mababa sa naitala noong 2017 na 448.

"Napansin natin na bumababa ang bilang ng mga nakapapasa sa SGLG habang humihirap ang criteria. Maaaring ganito pa din ang mangyari ngayong 2019 o mas magsisikap pa ang mga pamahalaang lokal. Tignan natin," ayon sa DILG Chief.

Ang mga makapapasa sa SGLG ngayong taon mula sa 81 lalawigan, 145 lungsod at 1489 na bayan ay tatanggap ng SGLG marker; pagkakataong magamit ang Performance Challenge Fund (PCF) upang pondohan ang kanilang mga proyekto; at access sa iba pang programs and capacity development assistance ng DILG.

Mas matinding SGLG sa 2019

Ayon kay Año, bilang tagapagpaganap ng programa ng SGLG, layon ng DILG na patuloy na pataasin at pag-ibayuhin ang criteria nito upang hikayatin ang mga pamahalaang lokal tungo sa mas mahusay na paglilingkod.

"Kalahati pa lamang ng assessment noong nakaraang taon, alam na namin na kaya pang itaas ang SGLG criteria, na kaya pa nating magbigay ng inspirasyon sa mga pamahalaang lokal tungo sa mas mahusay na paglilingkod," aniya.

Ipinaliwanag niya na ang SGLG 2019 ay nagdagdag ng specific na pagbabago sa halos lahat ng sangay ng pamamahala. "Nakita natin ang pangangailangan na mas pinuhin ang criteria at kami ay umaasa na ang mga pamahalaang lokal ay makikita ito bilang oportunidad para mas mapabuti nila ang pagbibigay nila ng serbisyo sa mga mamamayan," aniya.

Ilan sa mga pagbabago na idinagdag sa SGLG 2019 criteria para sa mga lalawigan, lungsod at munisipalidad ay ang plus 30% na fully complied na rekomendasyon para sa Good Financial Housekeeping; pagkakasama ng lahat ng quarter ng CY 2018 sa pagtupad ng Full Disclosure Policy of Local Budget and Finances, Bids and Public Offering for the Financial Administration indicator.

Ang Disaster Preparedness criteria naman ay nagtatakda na ang mga pamahalaang lokal ay may convened PDRRMC; contingency plan para sa dalawang pinakamataas ang risk hazard; at kahit isang LDRRMC o LDRRMO head/plantilla LDRRMO na sinanay sa Incident Command System.

Sa ilalim naman ng Social Protection, ang mga pamahalaang lalawigan ay kailangang mayroong 50% sa mga pinapatakbong ospital ng lalawigan ay Philhealth accredited; 50% din ng mga ospital na pinapatakbo ng lungsod ay kailangang Philhealth accredited para sa maternity care package, primary care benefits, at TB-DOTS para sa CY 2018 o 2019 para sa mga pamahalaang pambayan at panlungsod.

Para naman sa Peace and Order assessment tool, ang mga lalawigan, lungsod at munisipalidad ay kailangang makapasa sa Peace and Order Performance Audit rating. Samantala, sa ilalim naman ng Environment Management, ang mga lungsod at munisipalidad ay kailangang buuin ang kanilang solid waste management board. # Source – www.dilg.gov.ph

No comments:

Post a Comment