Hindi na lamang ang Vigan Heritage Village na itinatampok ang mga makasaysayang “Bahay- Kastila” na pamoso na sa buong mundo, ang nagsisilbing atraksyon dito kundi umaagaw na rin ng eksena ang naitayong Ilocos Sur Museum na dinadagsa na rin ng mga local at dayuhang turista.
Ayon kay Gob. Ryan Singson, ang Arts and Culture Center na naitayo sa dating Provincial Jail sa likuran ng Kapitolyo ay magsisilbing simbolo ng kultura at kasaysayan ng mga Ilokano na maaaring ipamana sa mga susunod pang henerasyon.
“Sa dalawang palapag na museum ay masisilayan ang mga obra-maestra ng Biguenong pintor na si Esteban Pichay Villanueva tungkol sa madugong "Basi Revolt” na naganap sa Karayan Bantaoay sa San Ildefonso na naka-display ngayon dito,” sinabi ni Singson.
Sinabi ng dating Kongresista sa Primero Distrito na ang museum na ito ay kabilang na rin sa mga “historical landmarks” o makasaysayang gusali na itinataguyod at pinapangalagaan ang preserbasyon ng provincial government sa tulong ng National Museum .“Parang naaaninag ng mga dayuhang turista ang kasaysayan ng Basi Revolt na kung saan sumambulat noon ang laban ng mga puwersang Kastila laban sa mga Indio sa pamamagitan ng mga paintings,” idiniin ni Provincial Tourism Officer Ryan Astom.
Makasaysayan ang lumang Provincial Jail dahil dito ipinanganak ang unang Ilokano na naging pangulo ng Pilipinas na si Presidente Elpidio “Maestro Pidiong” Quirino noong Nobyembre 16, 1890. Ang kanyang ama na si Mariano ang provincial warden noong isinilang ng kanyang kabiyak na si Gregoria Rivera ang sanggol na si Pidiong..
Ang mga memorabilia ng Pangulong Quirino tulad ng mga naka-display na paintings niya kabilang ang kabiyak nito na si Alicia Syquia ay nai-donate na rin dito sa Museum.
Ang kasaysayan ng “basi” o Ilocano red wine at kung paano ang paggawa nito kabilanng ang mga sangkap sa paggawa ng paboritong alak ng mga Ilokano tulad ng tanim na samak, ay matutunghayan din sa museum. Ang basi , na naging monopoly ng mga Kastila, ang naghudyat ng madugong “Basi Revolt”. # Source - (VHS/Ben P. Pacris/PIA-1 Ilocos Sur).
No comments:
Post a Comment