Thursday, August 20, 2015

PSHS PINALAWAK ANG SCHOLARSHIP PROGRAM PARA SA MGA MAHIHIRAP NA MAG-AARAL

Ang Philippine Science High School (PSHS) ay hindi lamang para sa mga may kaya sa buhay kundi para din sa mga  kapus-palad ngunit  matatalinong mag-aaral sa pamamagitan ng pagpapalawak ng scholarship program ng pamahalaan.

Ito ang idiniin ni  Dr. Ronnalee N. Orteza,  Director ng PSHS- Ilocos Region Campus, sa naganap na “Kapihan Media Forum”   na isinagawa sa naturang paaralan noong nakaraang Linggo na dinaluhan ng  mga kasapi ng Ilocos Sur Integrated Press at ng Philipine Information Agency na nagsilbing moderator.

“Mali ang paniniwala nila na ang PSHS ay para lamang sa mga mayayaman na angkan,” iginiit ni Orteza sa Media Forum na napanood sa Iluko Heritage Channel “dahil pinapalawak din ang Outreach Program sa mga rural areas para maiparating ang scholarship program ng gobyerno.”

Sinabi ng opisyal ng PSHS na ang mga scholars nito ay hindi lamang nagmula sa mga private elementary schools kundi pati rin sa public schools, mula man sa mayaman o mahirap na pamilya basta kwalipikado at makapasa sa pagsusulit.

Iniulat ng campus director na umabot ng 343 ang bilang ng mga scholars ng PSHS mula Grade 7 hanggang Grade 10 na galing sa Ilocos Region at iba pang panig ng bansa. Sa Ilocos Sur, 88 ang scholars, sa La Union, 22; sa Ilocos Norte, 112 at Pangasinan, 95.

“Umabot ng 26 scholars ang galing sa labas ng Region 1 na nagmula sa Abra, Cagayan, Laguna, Tarlac pati sa Novaliches, Quezon City at San Mateo, Rizal,” dagdag ng director na dating Konsehal ng Bacnotan, La Union.

Nasimulan na noong Hulyo 6  hanggang Agosto 24 ang pagtanggap at  pag-proseso ng mga aplikasyon para sa 2015 PSHS National Competitive Examination na magaganap sa Oktubre  3. Ang mga application forms ay maaring makuha at maisumite sa PSHS- Ilocos Region Campus sa Poblacion East, San Ildefonso o sa malapit na opisina ng Department of Science and Technology  (DOST) sa mga lalawigan.

Naglunsad din ang PSHS at DOST ng Scholastic Aptitude Test o National Competitive Examination para masubok ang scientific ability, quantitative ability, abstract reasoning at verbal aptitude ng mga examinees.

Ang mga  pribilehiyo sa scholarship ay kinabibilangan ng libreng matrikula o tuition fee, textbooks, buwanang allowance at para sa mga scholars na nagmula sa mahihirap na angkan mapagkalooban pa ng uniporme, transportation  at living allowance.

Sa pamamagitan ng panukalang batas ni dating Kongresista Salacnib Baterina na naaprubahan sa Kongreso,  naitayo ang PSHS sa bayang ito na ang lote ay donasyon ng municipal government ng San Ildefonso sa pamumuno noon ni dating Mayor Christian “Basi” Purisima na isang senior board member na ngayon. # Source - (VHS/Ben P. Pacris/PIA-1 Ilocos Sur).

No comments:

Post a Comment