Thursday, August 20, 2015

TESDA, DAAN PARA SA TRANSPORMASYON NG BUHAY,” ANI VILLANUEVA

Hinikayat ni  Kalihim  Joel Villanueva ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga Ilokano na walang hanap-buhay at hindi nakapag-aral na samantalahin ang mga libreng kursong bokasyonal at teknikal para malabanan ang kahirapan.

“Ang TESDA ang magsisilbing tulay o daan para sa transpormasyon ng buhay,” idiniin ni Villanueva sa live interview ng DZVV Bombo Vigan na kung saan binisita niya ang Ilokos lalo na ang La Union at Pangasinan  para malaman ang situwasyon ng mga nagtapos ng mga “tech-voch” courses.

Sinabi ng opisyal ng TESDA na mataas ang demand ng mga nagtapos ng mga kursong ipinagkakaloob ng ahensya  sa Ilokos lalo na sa sektor ng turismo tulad ng massage therapy, bartending, housekeeping at iba pang kurso para sa  mga hotel workers.

“Adhikain ng TESDA na maka- produce ng mga quality workers hindi lamang para sa bansa kundi pati rin sa mga magta-trabaho sa ibayong dagat,” sinabi ni Villanueva, “lalo na ngayon na maraming tech-voc graduates ang matagumpay sa abroad.”

Tungkol sa  issue ng pagkadawit niya sa mga nakasuhan sa  3rd batch ng mga mambabatas at dating Kongresista sa Ombudsman, sinabi ni Villanueva na “masama ang timing na maaaring gawa-gawa ng mga kalaban sa pulitika.”

Sinabi niya na walang sapat na ebidensya laban sa kanya “ngunit nasa panig natin ang katotohanan at alam ng mga kababayan natin iyan.”

Ayon sa Kalihim,  bagama’t matunog na isa siyang kakandidato sa pagka- Senador sa administration party na bumabandera kay Interior and Local Government Secretary Mar Roxas bilang kandidato para sa pagka- pangulo sa eleksyon sa 2016, tuloy-tuloy pa rin ang kanyang adbokasiya  na “trabaho at serbisyo” kakandidato man siya o hindi.

Samantala, inihayag ni Assistant Superintendent  Anselmo Aludino ng Department of Education (Dep Ed) na mahalaga ang tungkulin ng TESDA sa pagsisimula ng Senior High School sa  school year 2016-2017 dahil naka-sentro din dito ang mga vocational at technical courses sa kurikulum.

“Kahit ang mga magtapos ng Senior High School na hindi na maipagpatuloy ang pag-aaral sa Kolehiyo dahil sa hirap ng buhay, makapagtatrabaho na sila kung makapagtapos ng mga kursong vocational at technical courses,” idiniin ng opisyal ng Dep Ed sa naganap na “Kapihan iti Amianan” Media Forum na napanood sa Iluko Heritage Channel.

Sa pamamagitan ng “accreditation” mula sa TESDA at Department of Labor and Employment (DOLE), makakatulong na ito para ma- recruit sila sa mga iba’t-ibang  kompanya sa bansa o sa ibayong- dagat para sa magandang kinabukasan, iginiit ni Aludino. # Source - (VHS/Ben P. Pacris/PIA-1/ Ilocos Sur)

No comments:

Post a Comment