Thursday, April 19, 2018

DILG, COMELEC NAKABANTAY LABAN SA THIRD TERMER BARANGAY OFFICIALS NA TATAKBO SA PAREHONG POSISYON

Sa pagsisimula ng paghahain ng certificates of candidacy ngayong araw (Abril 14, 2018) na ito, nakaalerto ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang Commission on Elections (Comelec) laban sa mga barangay officials na nasa ikatlong termino na at nais pa ring tumakbo sa parehong posisyon na ipinagbabawal ng batas.

Sinabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano na sa ilalim ng Local Government Code, “no local elective official shall serve for more than three consecutive terms in the same position. Voluntary renunciation of the office for any length of time shall not be considered as an interruption in the continuity of service for the full term for which the elective official concerned was elected."

“Malinaw ang isinasaad ng batas ukol sa pagbabawal sa mga third termers na tumakbo sa parehong puwesto. Huwag na kayong maghain ng inyong kadidatura kung lalampas na kayo sa ikatlong termino, o di kaya ay tumakbo na lang kayo sa ibang posisyon. Mas mainam pa nga kung bibigyan naman ninyo ng pagkakataon ang iba na maging pinuno ng barangay,” sabi pa ni Ano.

Base sa isinumiteng datos ng 17 DILG Regional Offices na kinalap ng National Barangay Operations Office (NBOO), may 8,927 punong barangay at 51,273 na sangguniang barangay members ang nasa ikatlong termino na nila ngayon.

Sa press conference kasama ang Comelec at ang National Youth Commission, sinabi ni DILG Assistant Secretary at Spokesperson Jonathan Malaya na nakapagpasa na ang DILG sa Comelec ng mga pangalan ng mga nakaupong punong barangay at sangguniang barangay members na nasa ikatlong termino na sa parehong posisyon.

“Ang inisyatiba ng DILG na maging alerto sa pagtakbo ng third termer barangay officials ay ang aming suporta sa tapat at malinis na halalan,” ayon kay Malaya.

Isinumite ng DILG ang listahan ng mga pangalan sa Comelec para ang mga ito ay ireview at maipaskil sa Comelec website upang maging sanggunian ng mga election officers sa buong bansa.

Kapag ito (listahan) ay inaprubahan na ng Comelec, ipapaskil rin ito ng DILG sa sarili nitong website, pahayag ni Malaya.

Samantala, sinabi ni Comelec Spokesperson Director James Arthur Jimenez na ang pagpapaskil ng listahan ay dedesisyunan ng Comelec en banc.

“May mga kailangan pang ayusin dito. Bukas kami sa inisyatibong ito at titingnan namin kung ano ang magagawa namin. Ang mahalaga ay kailangan nating maibigay sa publiko ang impormasyong kailangan nila. Katulong ninyo kami para sa ikabubuti ng mga botante natin,” ani pa ni Jimenez.

Ang Region 6 (Kanlurang Visayas) ang may pinakamaraming third termer na punong barangay na umaabot sa 1,030, kasunod ang Region IV-A o Calabarzon na may 936, at ang Region 8 (Silangang Visayas) na may 823.

Ang Region 4-A naman ang may pinakamaraming third termer sangguniang barangay members na may bilang na 5,367, kasunod ang Region 6 na may 5,365, at ang Region 8 na may 5,320.

Ang paghahain ng certificates of candidacy para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections ay mula Abril 14 hanggang 20, 2018. Ang election period ay mula Abril 14 hanggang Mayo 21. #  Source – www.dilg.gov.ph

No comments:

Post a Comment