Bilang tugon sa mga pangamba sa seguridad ng paparating na halalang pambarangay, tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na magiging maayos at mapayapa ang Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) 2018.
Sa isang press conference, sinabi ni DILG Assistant Secretary at Tagapagsalita na si Jonathan Malaya na inaasahang mas magiging maayos at mapayapa ang paparating na BSKE 2018 kumpara sa mga nakalipas na eleksyong pambarangay.
“Sa tingin po namin ay mas magiging mapayapa itong BSKE sapagkat pababa din nang pababa ang trend at bilang mga election-related violent incidents (ERVI) mula 2010, 2013 at hanggang sa mga panahong ito,” ani Malaya.
Ipinaliwanag niya na sa nakaraang 2013 BSKE, mayroon lamang 57 na naiulat na ERVI, na karamihan ay naganap sa Mindanao. Dagdag pa niya, sa halalan noong 2010, 98 ang naiulat na karahasan na may kaugnayan sa eleksyon. “Ito ay nagpapakita lamang nang malinaw na pagbaba ng trend ng ERVI mula na rin sa datos mula sa mga nakaraang halalang pambarangay,” aniya.
Ipinahayag ni Malaya na ang paparating na halalan ay iba sa mga nakaraang eleksyong pambarangay, gamit ang Mindanao bilang halimbawa kung saan kasalukuyang umiiral ang Martial Law na nangangailangan ng mas mahigpit na pagbabantay ng kapulisan.
“Nasa ilalim ng Martial Law ang Mindanao, kaya inaasahan kong mas maraming pulis, militar at security forces na ipapakalat sa Mindanao kaya naman hindi magiging mas matindi ang karahasan ang eleksyon katulad ng mga nakararaan,” aniya.
Nabanggit din ng tagapagsalita ng DILG na ang pangkalahatang pagbaba ng kriminalidad sa bansa, ang umiiral ng Martial Law sa Mindanao, ang muling binuhay na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at rebeldeng Komunista, at ang nakaambang pagpasa ng Bangsamoro Basic Law ay lubhang makatutulong para sa isang mapayapa at maayos na BSKE 2018.
“Kalimitan, ang presenya ng mga lawless elements tulad ng mga armadong grupo ang nagdudulot ng madugong halalan ngunit kung nakahanda ang lahat ng puwersang pangseguridad, na inaasahan naman nating mangyayari, tiwala kami na ang pagbaba ng ERVI ay magpapatuloy,” ani Malaya.
Sa kabila nito, hindi din naman itinatanggi ng DILG Assistant Secretary ang katotohanang may mga “election hotspots” kung saan itatalaga ang mas malaking puwersa ng Philippine National Police (PNP). Ang paglalagay sa mga nasabing election hotspots sa ilalim ng Commission on Elections (Comelec) ay isa rin sa mga maaring maging hakbang, ayon kay Malaya.
Samantala, naglabas ang PNP ng guidelines para sa SAFE 2018 o Secure and Fair Synchronized BSKE 2018 na magbibigay ng komprehensibong seguridad para sa halalang pambarangay katuwang ang Comelec, Armed Forces of the Philippines at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Sa ilalim ng nabanggit na guidelines, lahat ng yunit ng PNP ay nakaalerto sa buong panahon ng halalan at titiyak sa pagsunod ng mga pinuno ng mga barangay sa mga batas bago maghalalan, sa aktuwal na halalan at matapos ang araw ng halalan; pagaganahin ang mga polisiya para sa maayos at mapayapang halalan; at ipalalaganap ang pagiging maalam na botante at ang aktibong pakikilahok ng mga mamamayan sa eleksyon upang kontrahin ang pagbili ng boto at ERVI.
Walang eleksyon sa Marawi
Sa naturang press conference, kinumpirma ng tagalapagsalita ng Comelec na si Director James Jimenez na suspendido ng BSKE sa Marawi. Nabanggit din niya na magkakaroon ng assessment matapos ang tatlong buwan upang sukatin kung maaari ng tanggalin ang nasabing suspensyon.
Ipinahayag din niya na ang mga incumbent na pinuno ng barangay ay kasalukuyang nasa “hold over status” hanggang sa lumabas ang resulta ng assessment.
“Espesyal na kaso ang Marawi,” idinagdag ni Malaya at sinabing kasalukuyan ring isinasagawa ang mga hakbangin upang muling buhayin ang lungsod sa pangunguna ng Bangon Marawi Task Force. # Source – www.dilg.gov.ph
No comments:
Post a Comment