Inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na P8.3 bilyon ang inilaan para sa konstruksyon, pagsasaayos at rehabilitasyon ng mga kalsadang panlalawigan ngayong taon.
Sa kabila nito, sinabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano na upang mapagkalooban ng Conditional Matching Grant to Provinces for Road and Bridge Repair, Rehabilitation and Improvement Program (CMGP), kailangang makompleto ng mga lalawigan ang kanilang Local Road Network Development Plan (LRNDP).
Ang LRNDP ay naglalaman ng transparent at predictable multi-year program ng pangunahing lansangan na kailangang ayusin o isailalim sa rehabilitasyon sa susunod na limang taon bilang suporta sa local economic drivers tulad ng agrikultura, kalakalan, logistics at sentro ng turismo.
Ito ay kailangang isumite para mapalabas ang P8.3 bilyong pondo para sa pagpapagawa ng mga kalsadang panallawigan sa isang lalawigan sa ilalim ng CMGP.
Sa 81 lalawigan, siyam ang nakakumpleto na ng LRNDPs. Kabilang dito ang lalawigan ng Abra, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ilocos Norte, La Union, Pangasinan, Marinduque at Camarines Norte.
Samantala 72 iba pang probinsiya ang nasa iba’t ibang estado ng pagkumpleto ng kanilang mapa na bahagi ng LRNDPs.
Ayon sa DILG Chief, dapat kumpletuhin ng local government units (LGUs) ang kanilang LRNDPs sa loob ng taong ito upang matanggap nila ang pondo galing sa CMGP. Ibabalik sa National Treasury ang pondo ng mga lalawigang hindi makakapagsubmit ng LRNDP.
“Naiintindihan natin na ang pagsasagawa ng LRNDP ay inaabot ng anim na buwan o depende sa lawak ng lupa at bilang ng mga lungsod, munisipalidad at barangay na sakop ng isang lalawigan,” saad nito. “Dapat bilisan ng provincial LGUs ang pagkumpleto at pagsumite ng kanilang LRNDP para matanggap na nila ang pondo ng CMGP.”
Noong 2017, ang DILG ay nagbigay ng serye ng technical training sa 78 lalawigan upang matulungan ang mga itong makumpleto ang provincial road plans at mapabilis ang pagtapos ng kanilang CMGP projects. Isinagawa nito sa pakikipagtulungan sa National Mapping Resource Information Authority (NAMRIA).
Ang LRNDP, tulad ng Provincial Development and Physical Framework Plan (PDPFP), ay nakakatulong sa pagpili ng investment programs at budget para sa physical works at capacity development interventions para mapaghusay ang local skills, process at systems sa local road management at public financial management.
Kabilang sa LRNDP ng provincial LGUs ang kanilang local road network map at value chain analysis na nagpapakita ng state of connectivity sa pagitan ng national at local road networks, bukod pa sa ibang mahalagang impormasyon.
Ang naturang mapa ay nagdudugtong sa Geographic Information System (GIS) database ng kalsada at tulay sa lalawigan, na naglalaman ng mga ipinapanukalang bubuksan at aayusing lokal na kalsada sa mga lalawigan, munisipalidad, lungsod o barangay.
Sa sandaling makumpleto na, ang makabagong local network maps ay isasama sa national road networks map ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na susuporta sa evidence-based investment programming para sa national at local roads. # Source – www.dilg.gov.ph
No comments:
Post a Comment