Kasunod ng pa ulit-ulit na pag-ulan sa ibat-ibang bahagi ng bansa, inalerto ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga gobernador, alkalde at punong barangay na magsagawa ng kaukulang paghahanda upang maging zero-casualty tuwing panahon ng bagyo o matinding pag-ulan.
“Ang kaligtasan ng tao sa hinaharap ay nakadepende sa kung ano ang ginagawa natin sa kasalukuyan. Gamitin ninyo ang tag-araw par paghandaan ang peligro tuwing tag-ulan,” saad ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Ano.
Sinabi nito na ang paghahangad ng zero-casualty o walang buhay na masasawi sa panahon ng natural na kalamidad bilang sukatan ng epektibong paghahanda sa sakuna ay posible at napatunayan noong panahon ng pananalasa ng tropical storm Jolina noong isang taon at maging ng bagyong Chedeng noong 2015.
“Ang ating bansa ay dumaan na sa maraming mapaminsalang natural na kalamidad. Patunayan nating tayo ay matatag na bansa, panahon na upang mas itaas natin ang antas ng ating paghahanda sa pagtutulungan ng national at local government, pribadong sector at publiko,” pagliwanag nito.
Bagamat ang disaster preparedness ay dapat na isinasagawa na nagtutulong-tulong ang buong bansa, binigyang diin ng DILG Chief ang kritikal na papel ng local chief executives na manguna sa pagsasagawa ng preemptive actions para maging “listong pamayanan” (disaster-ready community) ang kanilang lugar.
Alinsunod sa Memorandum Circular No 2018-73, inatasan ng DILG Chief ang local government heads na iorganisa ang kanilang Local Disaster Risk Reduction and Management Councils (LDRRMC) at magsagawa ng pre-disaster risk assessments sa mga lugar na kalimitang binabaha o biglaang binabaha at madalas na may landslide na sanhi ng matinding pag-ulan.
Kailangan ding ihanda at irepaso ng local government units (LGUs) ang kanilang contingency plans para sa hydro-meteorological hazards kung ang mga hakbang sa lokal na paghahanda ay sapat.
“Makipagkoordinasyon sa PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical, Astronomical Services Administration) para sa napapanahong weather updates, Mines at Geosciences Bureau para sa kailangang impormasyon sa pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng pag-ulan sa kanilang areas of responsibility (AOR),” sabi niya sa mga local chief executives.
Ang lahat ng Early Warning Systems (EWS) tulad ng automated rain gauge, water level stations at iba pang local EWS sa bawat AOR ay kailangang suriin ng LGUs sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Department of Science and Technology (DOST) Regional Offices.
“Laging gamitin bilang gabay ang DILG Operation Listo manuals na nagtatakda ng minimum na pagkilos at preparasyon bago, kasalukuyan at pagtapos ng bagyo,” ani Ano.
Ayon pa sa DILG Chief, maaring gamitin ng local governments ang 70 porsyentong bahagi ng LDRRM Fund para sa kanilang disaster preparedness at risk management activities.
Pinaalalahanan din nito ang LGUs na magtalaga ng evacuation centers na may sapat na supply ng tubig, kuryente at health at sanitation facilities at ang lokasyon ay dapat pamilyar at alam ng buong komunidad.
Ang DILG na siyang Vice-Chair ng Disaster Preparedness ng National DRRMC ay may mandato alinsunod sa Republic Act 10121 na kilala bilang Philippine DRRM Act of 2010.
Maaaring makipag-ugnayan ang LGUs sa DILG Central Office Disaster Information Coordinating Center (CODIX) sa email address dilgopcen@gmail.com o sa pamamagitan ng DILG Regional Offices o Regional DRRMC para sa anumang katanungan. # Source – www.dilg.gov.ph
No comments:
Post a Comment