Iminungkahi ang pagbubuo ng Abra River Rehab Commission sa gitna ng banta na dulot ng climate change sa mga residenteng malapit sa Abra River.
Ito ang napagkasunduan ng mga kasapi ng technical working group (TWG) ng Save the Abra River project sa naganap na pulong sa Monte Leah Resort sa bayang ito na dinaluhan ng mga kumatawan sa local government unit (LGU), ahensya ng gobyerno, at media para mapag-usapan ang mga istratehiya para sa nagbabagong panahon.
Sinabi ni Grace Solano, senior environmental management services officer ng Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources sa Cordillera Administrative Region, napapanahon na para maitatag ang kumisyon na mangangasiwa sa pagsalba sa naturang ilog.
"Tulad ng Laguna Lake Development Authority, kailangan ding mabuo ang Abra River Development Authority para matutukan ang mga programa para sa sapat na rehabilitasyon ng Abra River o tinatawag ding Banaoang River," ayon kay Solano.
Iminungkahi ng mga kasapi ng TWG ang agarang pagpupulong ang mga opisyal ng Abra at Ilocos Sur lalo na sina Gob. Ryan Singson at Gov. Eustaquio Bersamin kabilang ang mga Kongresista at mga LGU para magtagumpay ang naturang proyekto.
Hiniling pa ng TWG na mabuo ang mga sampling stations para magpatupad ng river quality check para malaman ang epekto ng tubig sa ilog sa mga isda at ang epekto nito sa kalusugan ng mga tao.
Ayon sa grupo dapat ding maitatag ang epektibong flood warning o flood forecasting systems at maihanda ang mga geo-hazard maps at maituro ang mga lugar na peligro sa pagbaha o storm surge.
Kabilang sa iminungkahi ang pagtatayo ng mga small water impounding system, flood protection projects at hydro projects at bio-diversity conservation maliban pa sa pakikipagtulongan ng mga mmamayan sa National Greening Program.
Ayon pa kay Solano, mahigit na 800 kilometro ng watershed area ng Abra River ang apektado ng erosyon.
Nabuo rin sa naturang pulong ang Abra River Basin Management Council na pinangungunahan ng mga gobernador sa Ilocos Sur, Abra, Benguet at Mt. Province. Kasapi naman ang mga iba’t-ibang sangay ng pamahalaan tulad ng DENR, DILG, NEDA, NIA, DA, DepEd, DPWH,DTI DOST, DSWD at PIA. # Source - (MCA/ Ben P. Pacris/PIA-1/Ilocos Sur).
No comments:
Post a Comment