Sunday, November 1, 2015

MGA KOMUNIDAD NA SAKOP NG AGRARIAN REFORM SA ILOCOS SUR, TUTULUNGAN NG DTI AT DAR

Magtutulungan ang  Department of Trade and Industry (DTI)  at Department of Agrarian Reform (DAR) para maitaguyod ang mga produkto  at mapaunlad ang pamumuhay ng mga naninirahan sa mga Agrarian Reform Communities  (ARCs) na nasa liblib na pook sa Ilocos Sur.

Ayon kay DTI Provincial Director Grace Lapastora,  bahagi ito ng napagkasunduan ng ahensya at ng DAR sa naganap na Comprehensive Agrarian Reform Program Planning Workshop sa Ilocos Sur Polytechnic State College sa Sta. Maria kamakailan.

“Nais nating mapaunlad at maitaguyod ang mga lokal na produkto ng mga naninirahan sa mga ARCs para mapaunlad ang kanilang pamumuhay,” idiniin ni Lapastora.

Umabot sa labing-anim (16) ang mga ARCs sa probinsya na itinatag ng DAR na kung saan inilunsad ang mga proyektong pangkabuhayan tulad ng mga farm-to-market roads.

Sinabi ng opisyal ng DTI na interesado ang mga naninirahan sa mga liblib na komunidad para sa pagpapaunlad at promosyon ng mga produktong kape, cacao, ube, flour powder, camote chips, banana chips, mani, ginger tea at sugarcane vinegar kabilang din ang mga  napreserbang dried fruits tulad ng camias, tamarind at pineapple.

Naglunsad na ang DTI ng mga Basic Processing Technology Trainings upang magabayan ang mga residente na karamihan ay mga magsasaka at ang kanilang mga miyembro ng pamilya para mapaunlad at maitaas ang kalidad ng kanilang mga produkto.

Sinabi ni Lapastora na ang mga ARC products na ito ay nasa merkado na tulad ng mga grocery stores at souvenir shops maliban pa sa mga  public markets sa Candon City at Vigan City at iba pang bayan. Plano ring ibenta ang mga dekalidad na produktong ito sa mga hotel at restaurant sa probinsya.

Maaari ring mai-display ang mga lokal na produktong ito sa mga ilulunsad na  Agri-Trade Fair tulad ng Kannawidan Festival  at Viva Vigan Festival, idinagdag niya.

Sinabi rin ni Maritess Bagawe, Agricultural Technician at “One Town, One Product” (OTOP) coordinator ng bayan ng Sigay, na malaki ang naitutulong ng DTI para sa promosyon ng mga produktong itinatanim  dito tulad ng kape, ginger , saging at kalabasa.

Tutulong din ang DAR sa pagpapatayo ng Village Processing Center at sa paglulunsad ng Production at  Enhancement Project para maitaas ang kalidad ng mga produkto ng iba’t-ibang kooperatiba para makipagsabayan sa merkado.

Ang mga beneficiaries ng proyekto ay kinabibilangan ng Metro Luba Multi-Purpose Coop ng Bagnos ARC para sa peanut processing; Metro Nambaran Multi-Purpose Cooperative ng Naglabi ARC para sa veggie noodle processing; Macati Rang-ay Farmers Multi Purpose Coop. ng Macati ARC para sa vinegar processing at Sigay Coffee Growers ng Pagimbagan ARC ng coffee processing;

Patuloy din ang DTI sa pagpapatupad ng Product Development Clinics at marketing matching para makamtan ang target ng sales na P1. 7 milyon sa 2015. # Source – Ben P. Pacris/PIA-1- Ilocos Sur.

No comments:

Post a Comment