Ang pinakamagandang regalo o “legacy” ng administrasyon ni Presidente Rodrigo Duterte sa mga Ilokano ay ang pagpapatayo ng Ilocos Sur Economic Zone at ang Ilocos Sur Heritage Airport para makalikha ng hanapbuhay sa mga residente at mapaunlad pa ang ekonomiya ng lalawigan.
Ito ang idiniin ni Bise Gobernador Deogracias Victor “DV” Savellano sa naganap kamakailan na Media Forum sa kapitolyo para maiparating ang mga planong ordinansa at resolusyon na maipasa para sa kapakanan ng mga mamamayan dito.
Aniya, sa tulong ni Duterte at mga mambatatas sa Kongreso at Senado, hinihiling ng Ilocos Sur ang pondong P4.1 bilyon para mapalawak ang Vigan Airport na tatawaging Ilocos Sur Heritage Airport.
“Ang naturang pondo ay makakatulong para sa upgrading ng Vigan Airport, pagpapalawak ng runway para ma-accommodate ang mga malalaking eroplano, maitatayo ang mga iba pang gusali sa paliparan at makabili ng mga modernong equipment o kagamitan,” saad ni Savellano.
Dagdag pa niya, mas maitataguyod ang turismo at mas marami pang mga local at dayuhang turista ang pupunta sa Ilocos Sur lalo na sa Vigan na kabilang na sa “New 7 Wonder Cities of the World” at ang Sta. Maria Church na kabilang din sa World Heritage Sites ng UNESCO.
Samantala, sa hiling na Ilocos Sur economic zone sa bayan ng Cabugao, sinabi ng dating Supreme Commander ng Order of the Knights of Rizal na mahalaga ang suporta nina Congressman Savellano ng unang distrito at Eric Singson ng ikalawang distrito para sa pagpasa ng mga nasabing panukala sa Kongreso.
Ipinasa noon ni dating Congressman Ronald Singson ang EcoZone Bill sa Kongreso na aprupado ng Mababang Kapuluan ngunit hindi na ito nakapasa pa sa Senado.
“Kung maitatayo ang Eco-Zone, dadami ang mga dayuhang mamumuhunan na maaring makapagpatayo ng negosyo para makalikha ng mas maraming trabaho at makakatulong sa ikaaangat ng ekonomiya ng probinsiya,” saad ni Savellano. # Source - (JNPD/Ben P. Pacris/PIA-1, Ilocos Sur).
No comments:
Post a Comment