Wednesday, January 13, 2016

BFAR, NAGLAAN NG P26 MILYON PARA SA FISH PORT SA ILOCOS SUR

Para magsilbing sentro ng kalakalan sa Ilokos  ang  makasaysayang Salomague Port ng bayang ito, naglaan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng P26 milyon para maitauyod ang ekonomya ng Ilocos Sur.

Ito ang idiniin ni Konsehal Benedict Savellano, chairman ng Committee on Agriculture, sa naganap na “Kapihan iti Amianan” Media Forum noong nakaraang Linggo na napanood sa Iluko Heritage Channel sa pamamagitan ng Ilocos Sur Integrated Press at Philippine Information Agency.

“Magsilbing trading post ang fish port sa Salomague sa tulong ng BFAR at sa pakikipagtulongan ng provincial government at ang LGU Cabugao para sa pag-usbong ng ekonomya,” sinabi ni Konsehal Savellano sa isang oras na Media Forum.

Ang naturang pondo mula sa  Philippine Fisheries and Development Authority ng BFAR ay makakatulong sa pagpapatayo ng fish storage plant, trading post at iba pang gusali para mapaunlad ang kalakalan na makakalikha pa ng maraming trabaho sa mga Ilokano, sinabi ng konsehal.

“Dinadagsa na ang beach sa Cabugao dahil sa kanyang white sand lalo na sa Sabang dahil natatanaw pa ang isang isla dito sa gitna ng karagatan,” sinabi ni Savellano.

Sinabi niya na malaki ang potensyal ng matulaing bayang ito dahil sa naitayong monumento ng mga Sacadas sa Salomague Port na noong Kapaskuhan dinayo ng mga kasapi ng Ilocos Surians Association of Hawaii na pinamumunuan ni Danny Villaruz at kabilang din si dating Kongresista ng Hawaii na si Jun Abinsay, isang Bigueno.

Dinadayo na ng mga local at dayuhang turista ang Cabugao dahil ang Sabang beach na may taglay na puti  at pinong buhangin o “white sands” ay  tinagurian na ring “Boracay of the North,” iginiit ng chairman ng Committee on Agriculture.

Ang Sabang ay  gagawing “Surfing Capital” of the North dahil dito inilunsad noon ang mga national at regional  surfing competitions  kabilang na ang  Beach Volleyball at boat racing para maenganyo pa ang maraming turista. Na dadagsa rito maliban lamang sa Vigan Heritage Village.

Naka- pending pa sa Kongreso ang Eco Zone Bill na inakda ni Congressman Ronald Singson na humihiling sa pagpapatayo ng mga industriya sa pamamagitan ng mga dayuhang kapitalista  para makalikha ng mga hanap buhay ng mga Ilokano at magpapausbong sa ekonomya sa probinsya.

Pamoso ang Cabugao dahil sa  Puerto ng Salomague, lumuwas noon ang pangalawang grupo ng mga Sacadas na lulan ang malaking barko noong 1900’s  bilang magsasaka ng mga plantasyon ng tubo sa isla ng Hawaii. (MCA/Ben P. Pacris/PIA-1-Ilocos Sur).

No comments:

Post a Comment