Tuesday, January 5, 2016

REUNION NG MGA ILOCOS SURIANS SA BUONG MUNDO, MAGAGANAP SA VIGAN SA 2018

Magugunita ang pundasyon ng ika-200 na anibersaryo ng Ilocos Sur sa Pebrero 2018 kung saan magaganap ang pinakamalaking pagtitipon ng mga Ilocos Surians sa buong mundo.

Ayon kay Gobernador  Ryan Luis  V.  Singson mailulunsad ang  reunion ng mga kababayan na naninirahan o nagtratrabaho sa iba’t-ibang panig ng mundo lalo na sa Amerika sa Heritage City ng Vigan na napabilang na sa “New 7 Wonder Cities of the World.”

Sinabi ni Gob. Singson na sisimulan na ng provincial government sa 2016  ang koordinasyon at preparasyon para sa bi-centennial celebration ng lalawigan sa pamamagitan ng tri-media at social media para sa malawakang diseminasyon sa mga kapuwa Ilokano sa ibayong-dagat at ibang panig ng bansa.

Ito ang inihayag ng gobernador sa mga kasapi ng Ilocos Surians Association of Hawaii na pinangungunahan ni  Danny Villaruz  na nag-courtesy call   sa Kapitolyo para sa kanilang ilulunsad na Medical Mission sa lalawigan bilang pamaskong serbisyo sa mga mahihirap na kababayan.

“Itong reunion ng mga Ilocos Surians ang magpapatatag sa ating pagkakaisa at pagtutulongan para mapaunlad ang ating lalawigan at matulongan din ang ating mga kababayan lalo na ang mga mahihirap,” iginiit ng dating Kongresista sa Primera Distrito.

Sinabi rin ni dating Hawaii Congressman Jun Abinsay, taga Cabaroan sa Vigan, na ang “Sisterhood Agreement” na nilagdaan ng provincial government at Ilocos Surians Association of Hawaii ang magsisilbing susi para mapagbuklod ang lalawigan at Hawaii sa larangan ng negosyo, edukasyon, kalusugan, agrikultura at turismo.

Sinabi ni Abinsay na kahit sa Hawaii itinataguyod pa rin doon ang mga kultura at tradisyon ng mga Ilokano gaya ng isinasagawang preserbasyon at promosyon dito sa probinsya para sa mga susunod na henerasyon.

Tumutulong din ang mga kapuwa nating Ilokano sa Hawaii at iba pang panig ng  US na ikinakampanya na bisitahin ang Vigan na dinadagsa na ng maraming dayuhan at local na turista mula nang ideklarang napabilang sa “New 7 Wonder Cities of the World” at nakaukit sa “World Heritage Sites” ng UNESCO, sinabi ng dating Kongresista na bumuo rin ng mga asosasyon ng mga Ilokano sa Hawaii.

Sinabi rin ni Danny Villaruz, pangulo ng ISAH at taga- Rancho, Santa, na patuloy na ipinapatupad ng asosasyon ang Medical Mission para masilbihan ang mga kapus-palad na kababayan maliban pa sa scholarship program para sa mga mahihirap at deserbadong estudyante. #  SOURCE - (MCA/BEN P. PACRIS/PIA-1- Ilocos Sur).

No comments:

Post a Comment