Dahil sa kahalagahan ng impormasyon para maiangat ang pamumuhay at mabawasan ang kamangmangan lalo na sa mga liblib na pook, magpapatayo ng pamahalaang probinsyal ng Reading Center sa mga barangay sa Ilocos Sur, itinuturing na Primera Klaseng lalawigan.
Ayon kay Bise- Gob. Deogracias Victor “DV” Savellano naaprobahan na ang inisponsorang panukala sa Sanggunian Panlalawigan na humihiling para sa pagpapatayo ng Information Center sa mga barangay lalo na ang mga upland towns at coastal areas.
“Sa pamamagitan ng mga makabuluhan at napapanahong impormasyon sa larangan ng agrikultura, kalusugan, agham at teknolohiya pati ang tungkol sa climate change malaki ang naitutulong nito sa mga bumaranggay,” idiniin ng presiding officer ng Provincial Board.
Hinikayat ni Bise- Gobernador DV sa mga iba’t-ibang sangay ng pamahalaan kabilang na ang mga iba’t-ibang nongovernment organizations (NGO’s) at institusyon na maglaan o mag-donate ng mga reading materials , tulad ng mga pamphlets, magazines, libro o newsletters na naglalaman ng mga makabuluhang impormasyon na nakakatulong sa pamumuhay ng mga mamamayan.
Sinabi pa ng dating gobernador na mahalaga ring magtalaga ang mga Barangay Kapitan ng Barangay Information Officer para maiulat nila sa media ang mga programa at proyekto sa barangay at ang karaingan o kahilingan ng mga bumarangay.
Sa sesyon ng SP , hiniling din ni ABC Federated president Mario Subagan sa provincial government na maglaan din ng computer at libreng wifi sa mga Barangay Hall para magamit ng mga batang mag-aaral at kabataan o lahat ng bumarangay.
Sa pamamagitan ng pamahalaang probinsyal na pinamumunuan ni Gob. Ryan Singson, tinutulongan nito ang operasyon ng PTV Ylokos na naka-base ang opisina at operasyon sa Kapitolyo maliban pa sa itinayong Public Information Office (PIO) na kung saan nagaganap ang mga press conferences ng gobernador at iba pang opisyal ng gobyerno pati ang monthly KAPITOL news magazine.
Samantala, patuloy din ang Information caravan at Kapitol Outreach Program sa mga liblib na pook para maiparating ang mga serbisyo at programa ng iba’t-ibang sangay ng gobyerno sa mga mamamayan at maipaalam ang ginagawa ng pamahalaan sa mga katutubo. # Source - (MCA/BPP/PIA-1 Ilocos Sur)
No comments:
Post a Comment