Tuesday, July 21, 2015

MAPAPAUNLAD ANG ILOCOS SUR COMMUNITY COLLEGE PARA SA DE-KALIDAD NA EDUKASYON

Ang Ilocos Sur Community College  (ISCC) na itinuturing na  “Kolehiyo ng mga Mahihirap”  ay pauunlarin ng pamahalaang probinsyal para matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante mula sa mga dukhang pamilya at para makamtan din ang nararapat na de-kalidad na edukasyon.

Ito ang binigyang-diin  ni Gob. Ryan Singson bilang panauhing- pandangal sa pagdiriwang ng  ika-70 anibersaryo ng  ISCC  na naitayo sa tabi ng Quirino Stadium sa karatig-bayan ng Bantay noong nakaraang Linggo na dinaluhan ng mga guro, estudiyante, parents at local  officials.

Sinabi ni Gob. Singson na maitatayo ang mga karagdagang classrooms at gusali kabilang na ang laboratory alinsunod sa mga  pangangailangan ng Kolehiyo para sa  quality education.

Ang mga kursong ipinagkakaloob ng naturang kolehiyo  na pinamamahalaan ng provincial government  ay kinabibilangan ng Agrikultura at Fisheries, Animal Husbandry, Massage Therapy, at pati ang mga training para sa mga  call center agents. Kabilang na rin ang mga popular na  kursong  Edukasyon, Nursing at Tourism at Hotel and Restaurant Management.

Nakakatulong ang mga kursong Agrikultura at Animal Husbandry para sa mga “Out-of-School Youths” o kabataang hindi nakapag-aral para magkaroon ng magandang kinabukasan, sinabi ng gobernador. Ito ay inilulunsad sa Ba-Rang-ay Demo Farm sa  Barangay Labnig sa San Juan, na pinamamahlaan ng provincial government  bilang  community extension ng ISCC,  dagdag ni Singson.

Nabanggit pa niya na maitatayo pa rito ang  isang  hotel sa tabi ng Quirino Stadium,  ang stadium na ipinangalan sa unang Ilokanong Presidente Elpidio Quirino na ipinanganak sa Vigan,  para magsilbing  On-the- Job Training  (OJT)  ng mga kumukuha ng Hotel and Restaurant Management sa naturang Kolehiyo.

Naimbitahan pa ang mga instructors sa mga Call  Center sa Manila na tumutulong sa mga kukuha ng pagsasanay na  angkop dito para kapag makatapos ay maipuwesto sila sa mga call center sa Metro Mnila o iba pang panig ng bansa pati sa  ibayong- dagat. # Source - (MCA/BPP/PIA- 1- Ilocos Sur).

No comments:

Post a Comment