Mahigit na 1.3 milyong dayuhan at lokal na turista ang bumisita sa Ilocos Sur lalo na ang Heritage City na kabilang na sa “New 7 Wonders Cities of the World” na lumikha ng hanap buhay sa mga Ilokano.
Ito ang idiniin ni Provincial Tourism Officer Ryan Astom sa “Kapihan iti Amianan” Media Forum ng PIA at Ilocos Sur Integrated Press na napanood sa Iluko Heritage Channel 16 at napakinggan sa DWRS noong nakaraang Linggo.
“Kung dumadami ang mga turistang dumadayo sa lalawigan, nakakatulong ito sa pag-unlad ng ekonomya at malabanan pa ang kahirapan,” iginiit ng Tourism Officer sa isang oras na Media Forum na naganap sa Provincial Tourism Office sa Heritage Village. “Patok sa mga turista ang mga One Town, One Product sa probinsya.”
Mula Enero 1 hanggang Oktobre 30, 2015, iniulat ni Astom na umabot na ng 800,000 ang mga dumayong turista sa Primera Klaseng Lalawigan na binansagan na ring “The Heritage Province” na kung saan naitataguyod din ang mga “tatak Ilokano” na produkto at tradisyonal na industrya.
Sinabi niya na bago matapos ang 2015 inaasahang aabot ng mahigit na isang milyon ang maitatalang dadayong turista dahil Nobyembre pa lang, “fully booked” na ang mga hotel sa Vigan at karatig bayan kabilang na ang mga beach resorts.
Sinabi ni Astom, nagtapos ng Tourism course sa University of Northern Philippines sa Vigan, na naitatala ang mga dumadayong turista araw-araw sa Baluarte, isang tourist attraction sa Vigan na pag-aari ng dating gobernador Luis “Chavit” Singson, at base rin sa monthly report ng mga hotels kabilang na rin ang Provincial Tourism Office .
Maliban sa Vigan, na nakaukit na sa World Heritage List ng UNESCO, inilulunsad din ng provincial government na pinamumunuan ni Gob. Ryan Singson ang “Sure Ilocos Sur” campaign para maitaguyod ang mga iba pang historical landmarks tulad ng matulaing Bantay bell tower sa Bantay, ang Bessang Pass a Cervantes at Tirad Pass sa del Pilar para sa trekking at hiking at ang mga water sports sa Cabugao at Santiago.
Pinaigting pa ng Tourism Office ang kampanya sa turismo sa pamamagitan ng social media tulad ng face book, twitter at instagram maliban pa sa tri-media (radio,tv at print), sinabi ni Aatom bagama’t inilulunsad pa ang mga Trade Fair sa Metro Manila at iba pang lugar para maitaguyod din ang mga local na produkto. # Source - (Ben P. Pacris/MCA/PIA-1/Ilocos Sur).
No comments:
Post a Comment