Friday, December 18, 2015

BEST AGRICULTURAL PRACTICES: LABANAN ANG PESTE, ITAGUYOD ANG ORGANIC FARMING SA ILOKOS – DA

Pinaigting ng Department of Agriculture (DA) ang kampanya laban sa mga peste sa mga pananim kasabay ng pagtataguyod ng organikong pagsasaka para maprotektahan ang kalikasan sa epekto ng climate change.

Ito ang idiniin ni Provincial Agriculturist Constante Botaccion sa naganap na “Kapihan iti Amianan” Media Forum na napanood sa Iluko Heritage  Channel 16  at napakinggan ang mga issues dito sa DWRS at DZNS na inilunsad ng Ilocos Sur Integrated Press at Philippine Information Agency noong nakaraang Linggo.

“Grabe na ang epekto ng Global Warming at Climate Change maliban pa sa El Nino phenomenon sa mga pananim kaya dapat  iwasan na ang mga sobrang kemikal sa mga lupain,” iginiit ng opisyal ng DA sa isang oras na Forum.

Inilunsad ng ahensya ang Integrated Pest Management Training sa iba’t-ibang bayan para masanay ang mga magsasaka kung paano ang pagpuksa sa mga peste sa mga pananim na palay, mais at gulay pati prutas, sinabi ni Botaccion.

Para maprotektahan ang kalikasan lalo na ang mga bukirin, naglulunsad din ang ahensya ng “Organic Farming” Trainings bilang bahagi ng Best Agricultural Practices na itinataguyod ng DA para sa Food Production Program.

Tumutulong din ang DA sa paglulunsad ng mga livelihood Trainings sa mga magsasaka at mangingisda tulad ng pagpapatayo ng Oyster farm sa mga coastal  areas para maparami ang mga talaba o tirem sa Ilokano bilang pandagdag na income ng mga mangingisda.

Naituturo ang paggawa ng bagoong at smoked fish sa mga magsasaka at manginigsda sa tulong ng University of Northern Philippines Extension Services at Ilocos Sur Polytechnic State College para malabanan ang kahirapan.

Kabilang din sa ipinapatupad na training ang pagpapatayo at pamamahala ng piskarya o fish pond para maiwasan ang fish kill at sa pagtataguyod din ng Food Security Program maliban pa sa pagbibigay ng mga tilapia at bangus finfgerlings.

Inilunsad din ang apat na buwan na Farmers School on the Air sa mga local radio stations para maituro ang mga modernong teknolohiya sa pagtatanim  base sa Best Agricultural Practices.

Nagsisilbi na ring modelong demo farm ang Ba-rang-ay Demo Farm sa Labnig, San Juan na nagsisilbing extension ng Ilocos Sur Community College para sa kursong agrikultura at Animal Husbandry at   paborito na rin itong pasyalan ng mga Educational Tours. # Source - (MCA/Ben P. Pacris/PIA-1- Ilocos Sur).

No comments:

Post a Comment