Thursday, December 3, 2015

DATING GOB. SINGSON, PINARANGALAN SA PAGPAPATAYO NG KOLEHIYO PARA SA MAHIHIRAP

Pinagkalooban ng Commission on Higher Education (CHED) si dating Gov. Luis “Chavit” Singson ng Doctor of Public Administration” honoris causa” dahil sa naitulong niya sa larangan ng edukasyon para  maiangat ang pamumuhay ng  mga mahihirap na pamilya.

Ayon kay Dr. Carmencita Reyes, presidente ng Ilocos Sur Community College (ISCC), naaangkop lamang na maitalagang Doctor of Public Administration si Singson dahil marami siyang natulongang mga mahihirap na kabataan para makapagtapos sa Kolehiyo .

Sinabi ni Dr. Reyes na si Singson ang nagbigay ng pondo sa pagpapatayo ng ISCC sa tabi ng Quirino Stadium sa  bayan ng Bantay, malapit sa Heritage City  noong 1970’s na hanggang ngayon tinutulongan niya pa ring umunlad ang institusyong ito.

Sa pagtanggap ng dating Kongresista sa prestihiyosong karangalan sa naganap na  conferment ceremony sa Vigan Convention Center noong Oct. 28, sinabi niya na noong umupo siyang gobernador noong 1972 ang lalawigan ay 5th class province lang na walang gaanong pundo ngunit prayoridad na niya noon ang edukasyon para makatulong sa mga mahihirap na kababayan.

“Naniniwala ako na napakahalaga ang naitutulong ng edukasyon para maiangat ang pamumuhay kaya  ito ang nag-udyok para  maitayo ang ISCC na magsisilbing institusyon para sa mga kabataan na mula sa mga mahihirap na angkan,” idiniin ni Singson.

Ngayon ang ISCC sa tulong na rin ni Gob. Ryan Singson, anak ni Chavit, naitayo pa ang karagdagang gusali para sa mas maraming classroom dahil dumadami na rin ang enrolees na kumukuha ng Education, Hotel and Restaurant Management, Accountancy, Tourism , Agriculture and Fisheries, Secretarial, Information Technology, Call Center Trainings, Skills Trainings at iba pang kurso.

May extension pa ang ISCC ng mga kursong Animal Husbandry , Fisheries at Agriculture na actual na naituturo sa Ba-rang-ay Demo Farm sa San Juan, na itinuturing na Huwarang demo farm sa Ilokos dahil nagsisilbi pang destinasyon ng mga Educational Tour dahil nandito ang iba’t-ibang uri ng hybrid at native na hayop, “Pinakbet Farm”,  sari-saring herbal plants at itinataguyod ang Organic farming.  # Source - (MCA/Ben P. Pacris/PIA-1/Ilocos Sur).

No comments:

Post a Comment