Hinamon ng isang opisyal ng Department of Education (DepEd) ang mga Ilokanong mamamahayag sa diyaryo, radio at telebisyon lalo na ang mga manunulat na estudyante na itaguyod ang adhikain ng pamahalaang Aquino para sa “Matuwid na Daan.”
Ito ang binigyang-diin ni Asst. Schools Supt. Anselmo Aludino sa pagbubukas ng Division Schools Press Conference na naganap sa Narvacan National Central High School sa bayang ito na dinaluhan ng 3,000 campus journalists at advisers.
“Ilakip sa inyong ulat ang adhikain ng Matuwid na Daan para makamtan ang good governance at transparency,” iginiit ng opisyal ng DepEd bagama’t hinikayat ang mga kabataang manunulat at campus advisers na itaguyod ang kredibilidad ng mga institusyong pang-edukasyon.
Sinabi niya na napapanahon ang tema ng presscon sa 2015 tungkol sa “The Role of 21st Campus Journalist in Upholding Good Governance and Transparency” dahil ito ang adbokasyang idinidiin ni Pres. Benigno Aquino III.
Bilang elemento ng matuwid na pamamahala at paninilbihan sa masa, sinabi ng dating campus journalist, na dapat isaalang-alang ang ginintuang kasabihan na “Honesty is the best policy” na magsilbing gabay sa anumang propesyon, nasa pribada man o gobyerno.
Sinabi pa niya na itinataguyod din ng DepEd ang preserbasyon at promosyon ng sariling wikang Ilokano o Iluko sa pamamagitan ng pagtuturo gamit ang “mother tongue” sa mga batang mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 111.
“Ang ating sariling wika ang magsisilbing tulay para sa koneksyon natin sa ating pinagmulan o heritage,”sinabi ng Asst. Superintendent “dahil mayaman ang ating lahi ng mga ipinagmamalaking kultura at tradisyon.”
Ang tatlong araw na presscon ay alinsunod sa “Campus Journalism Act” na may layuning gabayan ang mga estudyanteng mamamahayag sa pagsusulat ng balita, editorial, sanaysay, sports, photo journalism broadcasting at script writing at desktop publishing.
Kabilang sa mga naging resource speakers ay mga beteranong mediamen at campus advisers sa Ilokos at Metro Manila kabilang na ang PIA. # Source - (MCA/Ben P. Pacris/PIA-1/Ilocos Sur).
No comments:
Post a Comment