Dahil tumitindi na ang epekto ng “El Nino” weather phenomenon na nagdudulot ng makaalarmang tagtuyot na magsisimula sa Oktubre hanggang Pebrero, ipinayo ng Department of Agricuture (DA) ang pagsasagawa ng “cloud seeding.”
Ayon kay Director Ed Gonzales ng DA- Region 1 sa pakikipanayam ng media, dapat umanong paghandaan ang matinding kamandag ng mahabang El Nino at magtulungan ang gobyerno at ang sector pribada dahil apektado ang lahat sa sakunang ito.
“Ngunit hindi basta-basta na lang na ipatupad agad ang cloud seeding,” idiniin ni Gonzales lalo na ngayon na may “sporadic rains” lalo na sa hapon at gabi na nakakatulong pa rin sa mga pananim ng mga magsasaka.
Sa itaas ng mga kabundukan na may “seedable clouds” o maiitim na ulap, maaaring ihasik ng eroplano ang asin na bubuo ng ulan sa panahon ng tagtuyot, kaya dapat maplano itong mabuti bago ang operasyon, sinabi ng opisyal ng DA.
Sinabi ni Gonzales na dapat maingat ang pagpapatupad ng “cloud seeding” dahil kailangan ng eksperto na hahanap ng “seedable clouds” dahil mataas ang flying time at ang kailangang gas ng eroplano.
“Hindi lang lipad nang lipad ang eroplano, dapat spotter ang piloto at ang kasama niya para masigurado ang seedable clouds na tatamnan ng asin,” idinagdag ng opisyal.
Hinikayat niya ang mga local government units (LGU’s) na apektado sa tagtuyot na paghandaan ito sa pamamagitan ng mga communal irrigation system tulad ng Banaoang Irrigation Project sa First District ng Ilocos Sur.
Dahil ang gulay ang pinakamainam na tanim sa panahon ng tagtuyot dahil kakaunti lang ang tubig na kailangan, nagbabala rin si Gonzales sa mga magsasaka “na hindi dapat sabay- sabay ang pagtatanim nito para maiwasan ang bagsak presyo o over supply.”
“Responsable tayong lahat para malabanan ang epekto ng El Nino, hindi lamang problema ito ng DA at PAGASA, hindi lang problema ito ng gobyerno kundi kailangang makipagtulungan din ang lahat ng sector ng komunidad,” sinabi niya.
Samantala, inihayag ni Provincial Agriculturist Constante Botacion sa naganap na “Kapihan iti Amianan” Media Forum na napanood sa Iluko Heritage Channel na umabot ng 1,600 ektarya ng pananim sa lalawigan ang natamaan ng “bacterial diseases” sanhi ng nakaraang Bagyo “Ineng”.
Dahil sa pagragasa ng naturang kalamidad, umabot ng P100 milyon halaga ng nasalantang tanimang mais, palay at gulay kabilang na ang mga naanod na piskarya, iniulat ni Botacion. # Source - (VHS/Ben P. Pacris/PIA-1- Ilocos Sur).
No comments:
Post a Comment