Bagama’t itinuturing na “First Class Province” ang Ilocos Sur at kabilang na ang Heritage City ng Vigan sa “New 7 Wonders Cities of the World,” wala itong modernong Weather Station sa siyudad kundi umaasa pa ito sa weather station sa Laoag City.
Dahil dito, hiniling ng Ilocos Sur Integrated Press (ISIP) kay Kalihim Mario Montejo ng Department of Science and Technology (DOST) na maitayo ang Weather Station ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa Heritage City para sa mas mabisang koordinasyon sa panahon ng kalamidad.
Ito ang napagtuunan na topiko sa naganap na press conference na kasama ang Kalihim sa Tadena Hall ng University of Northern Philippines sa Vigan bilang bahagi ng Science and Technology Fair na itinaguyod ng DOST na tinampukan pa ng Regional Invention Contest sa Vigan Convention Center.
Ipinarating ng media sa namumuno ng DOST na napapanahon na para maitayo ang PAGASA Station na may modernong instrumento o pasilidad sa kabisera ng Ilocos Sur para magsilbing taga-pagtaguyod ng mas mabilis at epektibong “weather forecast” bago sasalanta ang bagyo.
Sinabi ni Rey Afroilan, presidente ng ISIP, na dapat mailipat ang PAGASA station na naitayo sa kabundukan ng Tapao sa bayan ng Sinait sa Heritage City para mas epektibo ang koordinasyon ng media at PAGASA upang maka-pag-warning sa publiko bago raragasa ang malakas na bagyo.
Iniulat ni Afroilan, correspondent ng Ilocos Herald, kay Kalihim Montejo na hindi umano masyadong maaasahan ang PAGASA sa Sinait dahil kulang ang kagamitan nito at wala pang telepono kaya hindi maiparating ang mahahalagang weather report sa panahon ng kalamidad.
Ibinigay niyang ehemplo ang umano’y report ng PAGASA bago rumagasa noon ang bagyong “Mario” sa lalawigan na ayon sa weather bureau ay nasa signal no. 1 ang Ilocos Sur at Ilocos Norte ngunit nasalanta ang probinsya ng napakalakas na hangin at ulan na parang super typhoon.
Ipinarating din ni Arsenio Cortez, commentator ng Iluko Heritage Channel, na dapat maitayo ang Weather Station sa Vigan para hindi na lang sa PAGASA sa Laoag City Airport ang tinatawagan pa ng media para sa weather report.
“Moderno ang teknolohiya ngunit ni walang landline ang PAGASA sa Sinait kaya dapat maitayo na lang dito sa Vigan na lagyan ng modernong weather equipment dahil napaka-importante ang wastong impormasyon bago sasalanta ang bagyo,” iginiit ni Cortez, na siya rin ang president ng GUMIL o asosasyon ng mga manunulat na Ilokano sa lalawigan.
Sinabi rin ni Omar Aquino ng Radyo ng Bayan na napakahalaga ang weather report ng PAGASA para makapaghanda ang mga mamamayan lalo na ang mga mangingisda kung may sasalantang bagyo ngunit hindi man lang umano maririnig sa radyo ang ulat ng PAGASA sa Sinait kundi umaasa pa ang lalawigan sa PAGASA Laoag.
Bilang tugon, sinabi ni Kalihim Montejo na pag-aaralan nila ang paglilipat ng PAGASA Sinait sa Heritage City. Iniulat niya na maglalaan ang DOST ng mga super computers at modernong instrumento sa mga weather stations sa bansa para maipaalam sa mga mamamayan ang mga mahahalagang impormasyon tungkol sa panahon. (VHS/Ben P. Pacris/PIA-1/ Ilocos Sur).
No comments:
Post a Comment