Wednesday, September 9, 2015

P170 MILYON, INILAAN NG DEPED PARA SA SCHOOL BUILDINGS SA ILOCOS SUR

Gaya ng iniulat ni Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang “State of the Nation Address” (SONA)  kamakailan na paigtingin ang implementasyon ng K to 12 program sa bansa, naglaan ang Department of Education (DepEd) ng P170 milyon para sa pagpapatayo ng dalawampu’t dalawang (22) school buidlings sa Primero Distrito ng Ilocos Sur.

Ito ang idiniin ni Engr. Reynaldo Organo, District Engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa 1st Engineering District, sa naganap na “Kapihan iti Amianan” Media Forum noong nakaraang Linggo na napanood sa Iluko Heritage Channel  at napakinggan sa mga local radio stations. Ang isang oras na Forum ay inilunsad ng Philippine Information Agency (PIA) at Ilocos Sur Integrated Press (ISIP) na binubuo ng radio, television at print media.

Sinabi ni Organo na sisimulan ang konstruksyon ng mga gusali sa taong ito at maihahabol sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 2016 na kasabay na rin ng implementasyon ng Senior High School bilang bahagi ng naturang Basic Education Program ng DepEd.

Ito pa lang ang pondo para sa  calendar year 2014 DepEd Regular School Building Program, iba pa ang pondo ng 2015 at 2016 para maitayo ang mas maraming gusaling pampaaralan sa elementarya at high school, iniulat ng opisyal ng DPWH.

Nabanggit niya ang mga malalaking pondo na inilaan sa mga National High School (NHS)  sa distrito tulad ng Ilocos Sur NHS na may P22 milyong pundo; Sinait NHS, P22 milyon; Bantay NHS, P8 milyon; Vigan East NHS , P14 M; Lussoc NHS,P8 M; San Sebastian NHS ng San Vicente, P6 M; Solot-Solot NHS ng San Juan, P6 M; San Juan NHS, P8M; Poro NHS ng Magsingal, P6 M; Magsingal NHS, P8 M; Naglaoan NHS ng Sto. Domingo, P8 M ; Poro NHS ng Caoayan, P1 M’ Sisim NHS ng Cabugao, P6 M; Manzante NHS ng Magsingal, P1.8 M., Caoayan NHS, P6.3 M; Belen NHS ng San Ildefonso, P6.3M; Vigan East NHS, P14.8 M; at Vigan West NHS, P1.8 M.

Maitatayo rin ang mga karagdagang gusali sa Dadalaquiten Elementary School sa Sinait na may pondong P6.3 M; at Puro Elementary School ng Caoayan, P3.1 M mula sa Basic Educational Facilities Fund para sa Elementary at Junior High School na ipapatayo ng DPWH, dagdag ni Organo.

Tiniyal din ng district engineer na walang maituturing na substandard projects sa distrito dahil ipinapatupad ang “right project, right quality at right cost” na panuntunan ng DPWH na pinamumunuan ni Sec. Rogelio Singson na taga- Vigan City.

Samantala, sa naganap na “Kapihan” Media Forum kamakailan, inihayag ni Assistant  Schools Supt. Anselmo Aludino na unti-unti nang natutugunan ang mga suliranin sa implementasyon ng K to 12 Program dahil prayoridad ito ng pamahalaang Aquino bilang reporma ng DepEd para sa de-kalidad na edukasyon.  # Source - (VHS/Ben P. Pacris/PIA-1 Ilocos Sur).

No comments:

Post a Comment