Dahil dumadami na ang mga dumadagsang dayuhan at lokal na turista sa pamosong siyudad na ito na kabilang na sa “New 7 Wonders Cities of the World,” naitayo na ang Satellite Office ng Bureau of Immigration (BI) sa Kapitolyo dito sa kabesera ng Ilocos Sur.
Ayon kay Gob. Ryan Singson malaki ang maitutulong ng opisina ng BI para sa mga dayuhan na bumibisita sa lalawigan lalo na sa Heritage City para matugunan ng pamahalaan ang kanilang pangangailangan at dokumentong kailangan sa Immigrasyon.
“Maaksyonan pa ng BI Satellite Office ang suliranin at serbisyong pangangailangan ng mga kababayan na nagnanais magtrabaho sa ibayong dagat na hindi na magbiyahe pa papuntang Manila kaya menos gastos at pagod,” idiniin ni Singson.
Sinabi ng dating Kongresista sa pakikipanayam ng media na dumadami na rin ang mga dayuhang estudyante na nag-aaral sa mga unibersidad at kolehiyo sa Primera Klaseng Probinsya lalo na sa University of Northern Philippines sa Heritage City na itinuturing na kauna-unahang “Global University of the North”.
Karamihan sa mga foreign students sa UNP ay ang mga Indian nationals, na kung saan may walong student doctors na matagumpay na nakapasa sa nakaraang Medical Examinations na inilunsad ng Professional Regulations Commission (PRC) . Kabilang pa na naka-enrol ang mga Koreano, Taiwanese, Thai at Malaysians na kumukuha ng iba’t-ibang kurso sa unibersidad na mataas ang kalidad ng edukasyon.
“Napapanahon ang BI Satelite Office na nasa ground floor ng Kapitolyo para masilbihan ng gobyerno ang mga foreign nationals at pati na rin ang mga kababayan nating Ilokano,” iginiit ni Gob. Singson, dating Bise- Alkalde ng Heritage City.
Hiniling pa ng gobernador na kung magdagdag ng empleyado ang BI “ sana ma- recruit din ang mga kuwalipikadong kababayan para makapagtrabaho sa ahensyang ito dahil may mga Ilokano ring nakapuwesto sa BI sa Manila.”
Samantala, hiniling nina Gob. Singson at Congressman Eric Singson kay Transportation and Communications Sec. Jun Abaya, (taga Candon City ang kanyang ama na si dating Cavite Congressman Ridel Abaya), na maglaan ng pondo para mapaunlad ang Vigan Airport para sa mas malawak na runway at magkakaroon ng modernong equipment para mapayabong ang turismo. (VHS/Ben P. Pacris/ PIA-1 Ilocos Sur).
No comments:
Post a Comment