Friday, October 30, 2015

46,540 PAMILYA NATULUNGAN NG PROGRAMANG 4PS SA ILOCOS SUR

Umabot sag 46,540 dukhang pamilya  ang natulungan ng “Pantawid Pamilyang Pilipino Program” (4Ps)  mula nang inilunsad ang programa sa iba’t-ibang bayan ng  Ilocos Sur  kabilang na ang Heritage City at Candon City bilang tugon ng pamahalaan laban sa kahirapan.

Ito ang iniulat ni Anniely Ferrer, regional focal person ng “Listahanan” para sa National Household Targeting System sa Ilokos, sa naganap na Media Forum sa Alad Bar sa Caoayan kamakailan na napanood sa Iluko Heritage Channel, TVigan at PTV Ylokos at napakinggan sa mga local radio stations sa koordinasyon ng Philippine Information Agency.

Sinabi ni Ferrer na maraming mahihirap na  pamilya ang natulungan na ng  4 Ps o Conditional Cash Transfer mula noong nasimulan ang programa noong 2008 sa Rehimeng Arroyo na ipinagpatuloy ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.

“Sana maipagpatuloy ang adhikaing ito kung sinuman ang susunod na Presidente ng bansa at sa mga susunod pang administrasyon,” iginiit ng “Listahanan” coordinator sabay ng paghikayat niya sa mga local government units (LGU’s) na suportahan ang programang ito para makatulong sa mga dukhang kababayan.

Dahil sa ulat din ng media na may ilang ama ng tahanan na isinusugal ang pondong natatanggap mula sa 4 Ps, nagbabala ang opisyal na maaaring matanggal sa listahan ng mga beneficiaries ang mga patuloy na lumalabag sa mga kondisyon.

“Kapag nahuling  isinusugal ang pera mula sa Conditional Cash Transfer sa unang offense, mabibigyan sila ng warning. 

Sa  second offense, suspendido ang maibibigay na pondo sa loob ng dalawang buwan. Sa third offense, matatanggal na sa listahan ng mga beneficiaries,” babala ni Ferrer.

Sinabi niya na ang 4Ps ang  unang hakbang sa pagtulong sa mga mahihirap dahil makatutulong ito  sa mga batang mag-aaral, pangalawang hakbang na ipinapatupad ng Department of Social Welfare and Development ay ang paglulunsad ng skills trainings at ang pangatlo ay ang Kapit-bisig Laban sa Kahirapan (KALAHI) na maipapatupad ang mga proyekto sa mga liblib na pook.

Sinabi ng opisyal na ang ipinapatupad na Listahanan ay magsisilbing gabay ng pamahalaan para mapalawak pa ang bilang ng mga beneficiaries sa 4Ps at ang mga mapagkakalooban ng Philhealth card alinsunod sa Pangkalahatang Pangkalusugan Program at ang skills training naman alinsunod sa Sustainable Livelihood Program. # Source - (VHS/Ben P. Pacris/PIA-1 Ilocos Sur).

No comments:

Post a Comment