Iginiit ng Department of Social Welfare and Development na ang ‘Listahanan’ ay hindi pampulitika kundi pantulong sa mga mahihirap na kababayan.
Ito ang tugon ni Anniely Ferrer, ang regional focal person ng “Listahanan” at National Household Targeting System sa Ilocos, nang nabanggit sa press conference sa bayang ito ang haka-haka na dahil malapit na ang halalan sa pagka- pangulo, ay baka gamitin lamang ng pamahalaan ang ipinapatupad na “Listahanan” sa iba’-t- ibang sulok ng bansa na pinupuntirya ang mga dukhang pamilya.
Sinabi ni Ferrer na walang ineendorso na kandidato sa pagpapatupad ng “Listahanan” at walang halong pulitika ang adhikain nito kundi tumulong ang pamahalaan na tugunan ang mga pangangailangan ng mga naghihikahos sa buhay.
Inihayag ni Ferrer na ang “Listahanan” ay programa ng national government para maitala ang bilang ng mga mahihirap sa bansa, kung paano sila namumuhay at ano ang kanilang pangangailangan para maiangat ang pamumuhay.
Sinabi niya na nasimulan ang pagpapalista sa mga mahihirap na pamilya noong 2009 sa pamamagitan ng “house-to-house assessment” para masagap ang mga makabuluhang impormasyon tulad ng bilang ng pamilya, mga kagamitan at kakulangan sa bahay at pangunahing pinagkukunan ng ikinabubuhay.
“Ngayong 2015 pagkatapos ng limang taon, aalamin na naman ng pamahalaan kung umangat na ang kanilang pamumuhay, ilan ang bilang ng mga tumuntong sa pagka- senior citizens at ang mga namatay na kasapi ng pamilya o bagong silang,” sinabi ng opisyal.
Iniulat ni Ferrer na maipatutupad pa ang “double-check” assessment para sa validation ng mga naiulat sa “Listahanan” bagama’t may mga non-government organizations (NGOs) at Local Government Units (LGU’s) na bumuo ng Local Verification Committee para masigurado ang “credible data base.”
Sa Rehiyon 1, target ng NHTS ang 928,633 na tahanan sa mga upland towns kabilang na ang mga urban barangays sa 2015. Naipatupad na ang “Listahanan” sa 864,173 pamilya sa buong Ilokos at 126,540 sa mga ito ang mula sa Ilocos Sur.
Bagama’t hindi niya nabanggit ang bilang ng mga mahihirap sa Ilokos, sinabi niya na mas suliranin ang kahirapan sa Ilocos Norte kaysa sa Ilocos Sur ngunit sa makasaysayang bayan ng Cabugao marami ring pamilya ang naghihikahos ang pamumuhay.
Ang Ilocos Sur, na pinamumunuan ni Gob. Ryan Singson, ang naparangalan ng “Hall of Fame” sa larangan ng “Poverty Reduction Program” base sa ulat ng Regional Development Council (RDC) sa Ilokos sa 2013-2015. # Source - (VHS/Ben P. Pacris/PIA-1-Ilocos Sur).
No comments:
Post a Comment