Bilang tugon sa hamon ng modernong agham at teknolohiya sa makabagong panahon, inilunsad ng pamahalaang probinsyal sa pakikipag-ugnayan sa Department of Science and Technology (DOST) ang kauna-unahang e-library sa Heritage City ng Vigan.
“Ito ay para sa lahat ng mga kababayan natin lalo na ang mga estudyante, reserachers at mga netizens bilang tugon sa hamon ng modern technology o information technology,” idiniin ni Gob. Ryan Singson nang mapasinayaan ang E-Library sa Provincial Library na katabi ng Kapitolyo at City Hall ng Vigan noong Oct. 27.
Sinabi ni Singson na libre ang serbisyo ng E-Library na magagamit ng mga mag-aaral o taga-pagsaliksik sa kanilang mga asignatura o anumang mahahalagang impormasyon tungkol sa science and technology, education, tourism, health at iba pang mahahalagang impormasyon.
Nakakatulong pa ang e-library para maakbayan ang mga naghahanap ng trabaho para malaman ang mga vacant positions o job opportunities sa mga ahensya ng pamahalaan at pribada sector, iba’t-ibang kompanya sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas at ibayong dagat, dagdag ni Singson.
Magsisilbi pang-tourist guide ang modernong library para maitaguyod ang mga “tourist spots” at “historical landmarks” sa Heritage Province ng Ilocos Sur, sinabi ng gobernador bagama’t hinikayat ang mga kababayang netizens na itaguyod nila ang mga ipinagmamalaking makasaysayang pook sa probinsya sa pamamagitan ng social media.
Sinabi pa ng dating bise-Alkalde ng Heritage City na sa pamamagitan ng E-Library, malalaman pa ng mga “netizens” ang mga programa, serbisyo at accomplishment ng bawat local government unit (LGU) alinsunod sa transparency bilang elemento ng good governance.
Ayon naman kay Provincial Librarian Emma Claudio sa pamamagitan ng naitayong E-Library mas maraming pupuntang kliyente ngayon ang Provincial Library dahil kakaunti na ang nagsasaliksik sa pamamagitan ng mga lumang aklat na nakaimbak dito.
“Ngayon na akma na tayo sa modern technology, inaasahan naming dadaming estudyante at researchers at mga netizens ang sasamantalahin ang libreng serbisyo ng E-Library,”idinagdag ng provincial librarian.
Kamakailan lang, sa Provincial Library, dating Gregoria Rivera Library, na ipinagalan sa ina ni dating Pangulong Elpidio Quirino, idinaos dito ang selebrasyon ng “Golden Anniversary” ng GUMIL (Gunglo Dagiti Mannurat nga Ilokano), asosasyon ng mga Ilokanong manunulat – Ilocos Sur Chapter, sa pamamagitan ng “ Culture and Art Exhibit” na ipinakita sa publiko ang mga “obra-mestra” na Ilokanong sanaysay, tula, drama at maiking kuwento. # Source - (MCA/Ben P. Pacris/PIA-1/Ilocos Sur).
No comments:
Post a Comment