Tuesday, October 27, 2015

NEGOSYO CENTER NAITAYO SA HERITAGE CITY NG VIGAN

Dahil dumadami na ang mga dayuhan at lokal na turista na dumadayo sa Ilocos Sur, itinayo ng Department of Trade and Industry  (DTI) ang “Ilocos Sur Negosyo Center” para makatulong sa pag-unlad ng ekonomya.

Ayon kay Regional Director Florante O. Leal ng DTI  Regional Office  ang Negosyo Center na ito ang ika- 70 gusaling pangkalakalan na naitayo sa Pilipinas at ikalawa sa Ilokos na tutulong sa mga  “Micro, Small, and Medium Enterprises”  (MSME’s) sa probinsya.

“Hindi kayang ilunsad lang ng gobyerno ang programang ito kung walang tulong ang private sector,” iginiit ng opisyal ng DTI “kaya dapat  magkaisa ang government at private sector para makalikha ng trabaho na panlaban sa kahirapan.”

Sinabi ni  Leal  na ang Negosyo Center na napasinayaan kamakailan sa pamamagitan ni Gob. Ryan Singson ay naitayo sa Judy Chiu Bldg, Mabini St. sa Heritage City ng Vigan para makapagbigay ng serbisyo, programa at tulong sa mga MSMEs.

Kabilang na serbisyo ang paglulunsad ng trainings, business advisory, business name registration, consultancy, financing facilitation, market linkage , trade promotion, business information and advocacy at networking sa  ibang ahensya ng gobyerno.

Sinabi rin  ni Asst. Regional Director Dorecita Delima ng DTI-Region 12  at National Program Manager ng Negosyo Center sa bansa, na ang Center  ang nagsisilbing “converging place’ ng iba’t-ibang serbisyo ng pamahalaan para matulongan at umusbong ang mga MSME’s para sa ikauunlad ng ekonomya.

“Kahit ang mga maliliit at nagsisimulang negosyo sa barangay, huwag mag-atubiling magpatulong sa mga Negosyo Center dahil ang adhikain ay para makalikha ng mas maraming negosyo at mas maraming trabaho,” idiniin ng opisyal ng DTI.

Inihayag din ni Dr. Esperanza Lahoz ng Philippine Chamber of Commerce and Industry- Ilocos Sur Chapter, na suportado ang grupo ng mga negosyante sa lalawigan para sa Negosyo Center program  sa pamamagitan ng pagbabahagi nila ng kanilang kaalaman at karanasan sa pagnenegosyo.

Sinabi niya na malaki rin ang naitutulong ng iba pang sangay ng pamahalaan tulad ng DOST, FDA, DOLE, DSWD at DAR para matulongang umunlad ang mga MSME’s.

Ang naitayong Negosyo Center sa Heritage City ay alinsunod sa adhikain ng RA 10644 na may layuning lilikha ng trabaho sa pamamagitan ng mga MSME batay sa Negosyo Act na ang author ay si Sen. Paolo “Bam” Benigno Aquino 1V. #  Source -  (MCA/Ben P. Pacris/PIA-1- Ilocos Sur)

No comments:

Post a Comment